Mga tagapanimula ng potograpiya sa Pilipinas
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang mga tagapanimula ng potograpiya sa Pilipinas ay mga Kanluraning litratista, na mula sa Europa ang karamihan. Ang gawaing pagkuha ng mga larawan at ang pagbubukas ng mga unang mga litratuhan (mga estudyo) sa Pilipinas noong kapanahunan ng mga Kastila, mula sa mga dekada ng 1840 hanggang 1890, ay nabigyang-daan ng mga sumusunod na kadahilanan: ginamit ang mga litrato para sa mga balita at impormasyon hinggil sa katayuan ng kolonya, bilang mga kasangkapan sa panghihikayat ng mga turista, bilang aparatong nakatutulong sa larangan ng antropolohiya, bilang kagamitan na nakapagpapakita ng katayuan sa lipunan, bilang instrumentong nakapagtatala ng mga pangyayari sa kasaysayan, isang kasangkapan sa pakikipagugnayan, para sa mga propaganda, at bilang sanggunian para sa mga ilustrasyon (mga akdang-giuhit) at sa larangan ng pag-uukit. Ang gawaing pang-potograpiya sa Pilipinas ay hindi walang impluwensiya at daloy ng pumapasok na mga diwang-pansining mula sa Kanluran patungo sa loob ng kapuluang kolonisado.[1]