Ang organismo o tataghay ay isang bagay na may buhay. Kabilang sa mga ito ang mga hayop at mga halaman. Ang mga organismo ay isang biyotiko, o buhay, na bahagi ng kapaligiran. Ang mga bato at sinag ng araw ay isang bahagi ng abiyotiko, o walang buhay, na kapaligiran. Mayroong limang payak na pangangailangan ang mga organismo: kabilang dito ang pangangailangan nila ng hangin, tubig, mga nutriyente (sustansiya o pagkain), enerhiya at isang lugar na matutuluyan. Ilan sa mga organismo ay binubuo ng milyun-milyong mga sihay (selula), kaya't tinatawag silang mga organismong multiselular. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga aso, mga puno, at mga tao. Karamihan sa mga organismong multiselular (organismong may maramihang mga selula) ay maaaring makita na hindi kailangang gumamit ng mikroskopyo. Ilan sa mga organismo ay napakaliit kung kaya't hindi sila nakikita ng basta mga mata lamang. Kailangan ang paggamit ng mikroskopyo upang makita sila. Tinatawag ang mga ito bilang mga mikroorganismo. Ang mga organismo ay maaaring binubuo lamang ng iisang selula, na tinatawag namang mga organismong may isang selula o organismong uniselular. Ilang halimbawa ng mga ito ang bakterya, amoeba, at protosoa na katulad ng paremecium. Ang mga tao ay isang organismong binubuo ng maraming mga selula. Sa katunayan, ang katawan ng tao ay mayroong maraming trilyun-trilyong mga selula na ipinangkat upang maging natatangi o espesyal na mga tisyu at mga organo.

Thumb
Ang Escherichia coli ay isang prokaryote.

Sa biyolohiya, ang isang tataghay ay isang sistema ng mga nabubuhay na bagay na may kaugnayan sa isa't isa katulad ng hayop, halamang-singaw o fungus, mikroogranismo, o halaman. Lahat ng mga tataghay ay may kakayahang tumugon sa estimulo (o istimulo), reproduksiyon, paglaki at pag-unlad, at pagpapanatili ng homoeostasis (o homeostasis, ang kabalansehang pangpisyolohiya ng katawan) bilang isang matatag na kabuuan.

Ang katagang "organismo" ay may kaugnayan sa Griyegong ὀργανισμός – organismos, na nagmula naman sa Sinaunang Gresyang ὄργανον - organon na may ibig sabihing "organo, instrumento, kagamitan, o kasangkaapan". Tuwiran itong may kaugnayan sa salitang "organisasyon". Mayroon isang matagal na kaugalian ng pagbibigay ng kahulugan sa mga organismo bilang mga nilalang na nagsasaayos o nag-aayos ng sarili, sa madaling sabi ay mga nilalang na nag-oorganisa ng sarili o organisado ang sarili.[1]

Nagkaroon ng isang mahalagang pagtatalo kamakailan lamang hinggil sa pinakamainam na paraan sa pagbibigay ng kahulugan sa organismo[2] at talaga nga ang tungkol sa kung kailangan nga bang talaga ang ganyang kahulugan (depinisyon) o hindi naman.[3] Ang ilan sa mga ambag o kontribusyon[4] ay ang mga tugon o sagot sa mga mungkahi na ang kategorya ng "organismo" ay maaaring hindi sapat sa biyolohiya.[5]

Ang klasipikasyong siyentipiko (kauriang pang-agham) sa biyolohiya ay tumuturing sa mga tataghay bilang kasingkahulugan (sinonimo) sa "buhay sa daigdig" o "buhay sa mundo". Batay sa uri ng selula, ang mga tataghay ay maaaring hatiin sa mga pangkat na prokaryotiko at eukaryotiko. Ang mga prokaryota (mga prokaryote sa Ingles) ay kumakatawan sa dalawang magkahiwalay na mga dominyo, ang Bakterya at Archaea. Ang mga tataghay na eukaryotiko, na may isang nukleyo ng selula na nababalutan ng membrano (bamban), ay naglalaman din ng mga organel (mga organelle), na kinasasamahan ng mitokondriya at ang panghalaman na mga plastid, na pangkalahatang itinuturing na hinango mula sa bakteryang endosimbiyotiko.[6] Halimbawa ng mga uring (espesye) eukaryota ay ang fungi, mga hayop, at mga halaman.

Kamakailan lamang ay iminungkahi ni Thomas Cavalier-Smith ang isang clade, ang Neomura, na nagpapangkat na magkasama ang Archaea at ang Eukarya. Iniisip na ang Neomura ay umunlad (sumailalim sa proseso ng ebolusyon) mula sa Bacteria, mas tiyakang nagbuhat sa Aktinobakterya (Actinobacteria).[7]

Mga sanggunian

Wikiwand in your browser!

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.

Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.