Krisis sa Marawi
bakbakan sa lungsod ng Marawi sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng mga teroristang grupong Maute at Abu Sayyaf na tumagal nang limang buwan / From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Krisis sa Marawi,[42] tinatawag ding Labanan sa Marawi,[43] o Pagkubkob sa Marawi,[44] ay ang limang buwang itinagal na bakbakan sa Marawi sa pagitan ng puwersa ng Pamahalaan ng Pilipinas at ang mga kaakibat na militante ng Islamikong Estado ng Irak at ang Levant, kabilang ang mga pangkat ng Maute at Abu Sayyaf na nagsimula noong ika-23 ng Mayo, 2017.[45] Ang labanang ito ay naging pinakamahabang digmaan sa pook na urbano sa makabagong kasaysayan ng Pilipinas.[46]
Labanan sa Marawi | |||||||||
---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|
Bahagi ng Gulo sa mga Moro, Digmaan laban sa droga sa Pilipinas[1] at Digmaan laban sa terorismo | |||||||||
Larawan ng isang nasusunog na gusali kung saan binomba ng Hukbong Himpapawid ng Pilipinas. | |||||||||
| |||||||||
Mga nakipagdigma | |||||||||
Sinusuportahan ng:
| Islamikong Estado ng Irak at ang Levant (lalawigan sa Silangang Asya)[12] | ||||||||
Mga kumander at pinuno | |||||||||
Rodrigo Duterte (Pangulo ng Pilipinas) Delfin Lorenzana Eduardo Año Ronald dela Rosa |
Isnilon Hapilon † (pinuno ng Abu Sayyaf) Omar Maute † Abdullah Maute †[13][14] Mahmud Ahmad (Representanteng kumander; itinuring na patay)[15][16] Amin Bacu (Nakatataas na kumander; itinuring na patay)[17][18] | ||||||||
Mga sangkot na yunit | |||||||||
Sandatahang Lakas ng Pilipinas
Pambansang Pulisya ng Pilipinas Mga natatanging hukbong pang-operasyon ng Estados Unidos (tulong teknikal)[19] |
Pangkat ng Maute Abu Sayyaf Mga Lumalaban para sa Kalayaan ng Islamikong Bangsamoro[20] | ||||||||
Lakas | |||||||||
higit 3,000 sundalo (Hunyo)[21] 6,500 sundalo (Setyembre)[22] | higit 1,000 bandido (pagtataya)[23][24][25][26][27] | ||||||||
Mga nasawi at pinsala | |||||||||
168 ang namatay,[28] 1,400 ang sugatan[29] |
978 ang napatay,[30][31] 12 ang nahuli[32][33] | ||||||||
87 sibilyan ang namatay (kabilang ang 40 namatay dahil sa sakit)[34][35][36][37][38][39][40] Halos 1.1 milyong sibilyan ang kinailangang lumikas[41] | |||||||||
Inihayag ng pamahalaan ng Pilipinas na nagsimula ang mga pag-atake nang inilunsad nila ang opensiba sa lungsod upang hulihin si Isnilon Hapilon ng grupong Abu Sayyaf, pagkatapos makatanggap ng mga ulat na si Hapilon ay nasa lungsod, maaaring upang makipagkita sa mga militante ng pangkat ng Maute.[47][48]
Isang madugong bakbakan ang nagsimula nang ang puwersa ni Hapilon ay nagpaputok sa pinagsamang hukbo ng militar at pulis at nagpatawag ng dagdag na hukbo mula sa Maute, isang armadong pangkat na nanumpa ng pakikipag-alyansa sa Islamikong Estado at ang mga pinaniniwalaang responsable sa pagsabog sa lungsod ng Dabaw noong 2016, ayon sa mga tagapagsalita ng militar.[49]
Nilusob ng mga bandidong Maute ang Kampo Ranao at inokupa ang ilang mga gusali sa lungsod, kasama ang Bulwagang Panlungsod ng Marawi, Pamantasang Estado ng Mindanao, isang ospital at bilibid.[49] Inokupa rin ng pangkat ang pangunahing kalsada at sinunog ang Simbahan ni Santa Maria, Paaralang Ninoy Aquino, at Kolehiyo ng Dansalan na pinangangasiwaan ng United Church of Christ in the Philippines (Nagkakaisang Simbahan ni Kristo sa Pilipinas) o UCCP.[50] Sinalakay rin ng pangkat ang Katedral ng Marawi at binihag ang isang pari, pati ang ilang mga nagsimba.[51]
Noong ika-26 ng Mayo, 2017, kinumpirma ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na ang mga dayuhang terorista ay lumalaban kasama ang Maute sa Marawi at ang kanilang pangunahing layunin ay magtaas ng watawat ng Islamikong Estado sa Kapitolyong Panlalawigan ng Lanao del Sur at magpahayag ng wilayat o panlalawigang teritoryo ng Islamikong Estado sa Lanao del Sur.[52][53]
Noong ika-17 ng Oktubre, 2017, isang araw matapos ang pagkamatay ng mga pinuno ng mga militante na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon, inihayag ni Pangulong Duterte na malaya na ang Marawi. Gayunpaman, ang Brigadyer-Heneral na si Restituto Padilla, tagapagsalita ng militar, inihayag naman na ilan sa mga militante ay nananatili at ang mga operasyon ay magpapatuloy hanggang sa sila'y mapuksa.[54] Limang araw ang nakalipas, ika-23 ng Oktubre, inanunsyo ng Kalihim ng Tanggulang Pambansa na si Delfin Lorenzana na ang limang buwang bakbakan laban sa mga terorista sa Marawi ay nagtapos na.[55]