Hesus
From Wikipedia, the free encyclopedia
Si Hesus (Griyego: Ἰησοῦς Iesous; 7–2 BCE hanggang 30–36 CE) ang itinuturing ng maraming Kristiyano na sentrong katauhan ng relihiyong Kristiyanismo at ang tagapagtatag ng Kristiyanismo. Siya ay pinaniniwalaan ng maraming mga Kristiyano na isang tagapagligtas at mesiyas ng Hudaismo.
Ang apat na kanonikal na Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan ang mga pangunahing sanggunian tungkol sa talambuhay at mga katuruan ni Hesus. Gayunpaman, pinagtatalunan pa rin ng mga skolar ng Bagong Tipan kung ang apat na ebanghelyong ito ay maasahang mga salaysay ng buhay ni Hesus o hindi, gayundin kung sino ang mga tunay na may akda nito, kung kailan ito isinulat, alin sa mga talata nito ang tunay na sinalita ni Hesus at kung alin sa mga talata nito ang orihinal mula sa mga magkakaibang manuskrito.[10] Kabilang sa mga pinagdududahang salaysay ng mga skolar sa apat na ebanghelyo ang kapanganakan ni Hesus, mga detalye tungkol sa kanyang pagpapako sa krus at kanyang muling pagkabuhay mula sa patay.[11][12][13][14][15][16] Ang ilang mga skolar ay naniniwalang ang apat na ebanghelyo ay hindi naglalaman ng anumang historikal na impormasyon tungkol sa buhay ni Hesus.[17]
Si Hesus ay inilalarawan sa apat na kanonikal na ebanghelyo na isang Hudyo at pinaniniwalaang nabuhay sa pagitan ng mga taong 7 BCE - 36 CE sa Palestina (kasalukuyang Israel).[18] Siya ay inilarawan na isang isang rabbi na nagsagawa ng mga milagro at nag-angkin na mesiyas at tagapagligtas. Pinaniniwalaan ng mga iskolar ng bibliya na si Hesus ay isang apokaliptikong Propeta na humula sa nalalapit na pagwawakas ng daigdig na magaganap noong unang siglo CE at hahatol kasama ng kanyang 12 apostol sa 12 lipi ng Israel (Mateo 10:23, Mateo 16:24-28, Mateo 19:28, Mateo 24:34, Marcos 13:30-33).[19] Nang mabigong matupad ang inaasahan ng mga Kristiyano noong unang siglo na muling pagbabalik ni Hesus pagkatapos ng ilang mga dekada, ang mga tekstong ito ay muling pinakahulugan ng kanyang mga alagad.[20]
Si Hesus ang ating Panginoon Diyos na dapat mating sambahin.