From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang bulgogi (불고기; /bʊlˈɡoʊɡiː/ bool-GOH-gee;[1] from Korean bul-gogi [pul.ɡo.ɡi]), literal na "karneng maapoy", ay isang gui (구이; Koreanong putahe na inihaw o binusa) na gawa ng mga maninipis at timpladong hiwa ng baka o baboy na inihaw sa ihawan. Kadalasang ginigisa ito sa kawali sa lutong bahay. Solomilyo, rib eye o punta't petso ang mga kadalasang ginagamit na hiwa ng baka para sa putahe. Ang ulam ay nagmula sa mga hilagang bahagi ng Tangway ng Korea, ngunit napakasikat ito sa Timog Korea kung saan mahahanap ito kahit saan, mula sa mga sosyal na restawran hanggang sa mga lokal na supermerkado bilang mga kit na handa na para sa kawali.[2]
Uri | Gui |
---|---|
Lugar | Korea |
Kaugnay na lutuin | Lutuing Koreano |
Pangunahing Sangkap | Baka |
Mga katulad | Neobiani, galbi, yakiniku |
|
Korean name | |
Hangul | 불고기 |
---|---|
Binagong Romanisasyon | bulgogi |
McCune–Reischauer | pulgogi |
IPA | [pul.ɡo.ɡi] |
Nagmula ang salitang bulgogi mula sa salitang Koreano na bul-gogi (불고기), na binubuo ng bul ("apoy") at gogi ("karne"). Nagmula ang tambalang salita mula sa dayalektong Pyongan, dahil ang putahe mismo ay piling pagkain ng lalawigan ng Pyongan, Hilagang Korea.[3] Pagkalaya ng Tangway ng Korea mula sa sapilitang pagsakop ng mga Hapon noong 1945, sumikat ang putahe sa Seoul at mga iba pang bahagi ng Timog Korea, sa pamamagitan ng mga takas mula sa Pyongan.[4] Kalaunang nailista ito sa 1947 edisyon ng Dictionary of the Korean Language, bilang karne na direktang inihaw sa nagbabagang uling.[5]
Sa Standard Korean Language Dictionary na inilathala ng Pambansang Surian ng Wikang Koreano, naitala ang salita bilang karne tulad ng baka na hinihiwa nang manipis, minarinada, at inihaw sa apoy.[6] Mahahanap din ang salita sa mga diksyunaryo ng wikang Ingles tulad ng Merriam-Webster Dictionary at Oxford Dictionary of English.[7][1] Pinetsahan ng Merriam-Webster ang paglitaw ng salita sa leksiko ng Amerikanong Ingles noong 1961.[7]
Pinaniniwalang lumitaw ang bulgogi noong panahon ng Goguryeo era (37 BK–668 PK), kung kailan maekjeok (맥적, 貊炙) ang tawag dito, at nakatuhog ang karneng baka habang iniihaw.[8][9] Noong Dinastiyang Joseon, Neobiani (너비아니) na nangangahulugang karneng "kinalat nang manipis",[10] ang tawag dito, at sa kaugaling inihanda para sa mga mayayaman at maharlika.[11] Sa edad medyang Koreanong aklat Donggooksesi (동국세시), naitala ang bulgogi sa pangalang yeomjeok (염적) na nangangahulugang 'apoy-karne'. Naihaw ito parang barbikyu sas isang iwahang hwaro habang nakatuhog, sa mga pirasong may 0.5 cm kapal. Kahit hindi na ito nakatuhog habang niluluto, bulgogi sanjeok (불고기 산적) ang tawag sa orihinal na bulgoging ito.
Ang bulgogi ay gawa sa mga maninipis na hiwa ng solomilyo o iba pang primerang hiwa ng baka.[12] Ginagamit din ang punta't petso dahil sa kanyang lambot at kadalian sa paghiwa. Bukod sa baka, ang bulgoging manok at baboy ay ang mga pinakakaraniwang uri na ginagamit para ihanda ang ulam. Ang liempo, o samgyeopsal sa Koreano, ay popular na hiwa para sa bulgoging baboy. Tulad ng punto't petso, malambot at mataba ito na nakabibigay ng mas magandang lasa. Bago niluluto, tintimpla ang karne para pasarapin at palambutin ito sa halo ng toyo, asukal, mantika ng linga, bawang, paminta, at iba pang sangkap tulad ng iskalyon, luya, sibuyas, o kabute, lalo na ang Agaricus bisporus o matsutake. Kadalasan sa pagluluto ng bulgogi, ito ang mga karaniwang kasangkapan. Gayunman, maaaring umiba ang mga kasangkapang panimpla ng karne sa bawat kusinero at kahit sa bawat pamilya ayon sa kanya-kanyang kagustuhan at tradisyon. Madalas gamitin ang mga katas ng peras, pinya, kiwi, at sibuyas bilang pampalambot. Maaaring gamitin ang asukal o iba pang uri ng pampatamis tulad ng Coca-Cola upang patamisin nang kaunti. Nag-iiba rin kung gaano katagal iniiwan ang karne sa timpla ayon sa pagkiling. Karaniwan na iniiwang manimpla ang karneng bulgogi nang wala pang isang oras ngunit iiwanan ng mga punong kusinero nang magdamag para sa pinakamasarap na lasa. Paminsan-minsan, idinaragdag ang pansit sotanghon sa putahe na nag-iiba ayon sa rehiyon at reseta.[9][10]
Ang pinakakaraniwang paraan ng paghanda ng bulgoging baka ay nagdudulot ng habing maitim na timplado at pinalasa nang mabuti. Karaniwan din ang mga maanghang na uri kung saan idinaragdag ang masang maanghang tulad ng gochujang na gawa sa pinulbos na sili, kanin, pinakasim na balatong, sebada, at asin sa timpla para paanghangin ang karne. Pinakamadalas itong gawin sa mga uring baboy.
Kinaugaliang ihawin ang bulgogi, ngunit sumikat na rin ang pagluto sa kawali. Malimit ihawin o piniprito ang mga buong butil ng bawang, hiniwang sibuyas, at hinapak na silang-pula kasama ng karne.[10] Inihahain ang bulgogi sa ibabaw ng o kasama ng kanin at mga iba't ibang pamutat tulad ng sopas-itlog, at kimtsi (binurong repolyo). Paminsan-minsan, inihahain ang ulam kasama ng litsugas o mga iba pang madahong gulay na ginagamit bilang pambalot ng nalutong karne, malimit kasama ng dampi ng ssamjang, kanin, o mga iba pang pamtuat, at sama-samang kinakain.[13]
Sa maraming restawran ng Koreanong BBQ, nakaupo ang mga mamimili sa mesa na mayroong ihawang nakakabit sa gitna. Hilaw at timpladong bulgogi ay isa sa mga popular na karne na maaaring i-order at lutuin nila mismo sa lamesa. Karaniwan para sa bawat tao na pumili ng karne nang direkta mula sa ihawan o magpakain sa iba habang kumakain. Kinakain ang bulgogi sa anumang oras ng taon subalit, pangkaraniwan sa mga Koreano na mag-ihaw ng timpladong karne sa mga pantanging okasyon o sa mga pagtitipon. Ang mga restawran ng Koreanong BBQ, kung saan karaniwang inihahain ang bulgogi, ay kadalasang isang pinagbibisitahang lugar ng mga mamimili kasama ng kaibigan o pamilya upang ipagdiwang ang isang pantanging okasyon o tamasahin ang isang gabi sa labas. Maraming Koreano ang may kani-kanilang ihawang panloob na ginagamit nila para lutuin ang bulgogi at iba pang timpladong ulam sa mga pista. Mahalaga ang mabuting kasama at masarap na pagkain sa kulutrang pista ng mga Koreano.
Inihahain ang bulgogi sa mga restawran ng barbikyuhan sa Korea, at mayroong mga hamburger na may lasang-bulgogi na ibinebenta sa mga fast food ng Timog Korea. Tinitimplahan ang hamburger patty sa sarsang bulgogi at inihahain kasama ng litsugas, kamatis, sibuyas, at minsan keso.[14][15]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.