Rova ng Antananarivo
Ang Rova ng Antananarivo ay isang maharlikang complex ng palasyo (rova) sa Madagascar na nagsilbing tahanan ng mga soberano ng Kaharian ng Imerina noong ika-17 at ika-18 na siglo, pati na rin ng mga namumuno sa Kaharian ng Madagascar sa ika-19 na siglo. Ang katapat nito ay ang kalapit na muog na nayon ng Ambohimanga, na nagsilbing luklukang espirituwal ng kaharian na kaiba sa pampolitikang kabuluhan ng Rova sa kabesera. Matatagpuan sa sentrong mataas na lungsod ng Antananarivo, ang Rova ay sumasakop sa pinakamataas na punto sa Analamanga, dating ang pinakamataas sa maraming burol ng Antananarivo. Ang haring Merina na si Andrianjaka, na namuno sa Imerina mula 1610 hanggang 1630, ay pinaniniwalaang sinakop ang Analamanga mula sa isang hari ng Vazimba noong 1610 o 1625 at itinayo ang unang pinatibay na maharlikang estruktura sa pook. Ang mga sunud-sunod na hari ng Merina ay nagpatuloy na mamuno mula sa pook hanggang sa pagbagsak ng monarkiya noong 1896, na madalas na ibalik, baguhin o magdagdag ng mga maharlikang estruktura sa loob ng pook upang umangkop sa kanilang mga pangangailangan.