Ang animismo ay isang paniniwala na nagsasabing mayroong puwersang hindi materyal na nagpapakilos sa kapaligiran. Sinasabi rin dito na may kani-kaniaya o angking kaluluwa ang mga bagay-bagay. Bukod dito, isa itong paniniwala sa kapangyarihan at lakas ng kaluluwa. Isa itong ideyang pilosopikal, relihiyoso, o espiritwal na umiiral ang mga kaluluwa o mga espiritu hindi lamang sa mga tao at mga hayop, ngunit maging sa mga halaman, mga bato, mga likas na kaganapang katulad ng kulog, sa mga heograpikong katangiang katulad ng mga bundok o mga ilog, o iba pang mga entidad ng kapaligirang likas, na isang proposisyong kilala rin bilang hilosoismo sa pilosopiya. Sa animismo, maaaring paniwalaan ding may mga kaluluwa ang mga konseptong walang tiyak na anyo o abstrakto, katulad ng mga salita, mga tunay na pangalan, o mga metapor sa mitolohiya. Karamihan sa mga pananampalatayang nagbibigay-diin sa animismo ay mga relihiyong-bayan, katulad ng sari-saring mga anyo ng Shamanismo, Shinto, Taoismo, Wicca, Budu, o ilang daloy ng Hinduismo.
Ang animasyon ay ang pagmamanipula sa mga larawan o pigura para pagmukhain na gumagalaw ang mga ito. Isa itong ilusyong optikal. Tradisyonal itong iginuguhit sa isang cel, ngunit ginagawa na ngayon ito sa papel at ini-scan, o di kaya'y ginagawa nang direkta sa mga kompyuter. Ginagamit rin ang mga pigurang gawa sa luwad, manika o papet, at maging ng mga ginupit na papel.