From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang proletaryado (mula sa Latin na proletarius na nangangahulugang 'nagbibigay ng supling' ) ay ang uring panlipunan ng mga kumikita ng sahod, ang mga kasapi ng isang lipunan na ang tanging pag-aari sa makabuluhang halagang pang-ekonomiya ay ang kanilang lakas sa paggawa (ang kanilang kapasidad na magtrabaho).[1] Ang isang miyembro ng ganitong uri ay isang proletaryo. Itinuturing sa pilosopiyang Marxista ang proletaryado sa ilalim ng mga kondisyon ng kapitalismo bilang isang pinagsasamantalahang uri[2]— na napilitang tumanggap ng kakarampot na sahod bilang kapalit sa pagpapatakbo ng mga kagamitan sa produksyon, na kabilang sa mga uring may-ari ng negosyo, ang burgesya.
Nangatuwiran si Karl Marx na nagbibigay ang kapitalistang pang-aapi na ito sa proletaryado ng mga karaniwang pang-ekonomiya at pampulitika na interes na lumalampas sa mga hangganan ng bansa,[3] na nag-uudyok sa kanila na magkaisa at kunin ang kapangyarihan mula sa kapitalistang uri, at sa kalaunan ay lumikha ng isang sosyalistang lipunan na malaya sa mga pagkakaiba ng uri.[4]
Binubuo ang proletarii ng isang uring panlipunan ng mga mamamayang Romano na may kaunti o walang pag-aari. Malamang nagmula ang pangalan sa senso, na isinasagawa ng mga awtoridad ng Roma tuwing limang taon upang makagawa ng isang rehistro ng mga mamamayan at kanilang ari-arian, na nagpasiya sa kanilang mga tungkulin sa militar at mga pribilehiyo sa pagboto. Naitala ang mga nagmamay-ari ng 11,000 assēs (mga barya) o mas kaunti sa ibaba ng pinakamababang kategorya para sa serbisyo militar, at ang kanilang mga anak—prōlēs (supling)—imbis na ari-arian; kaya tinawag na proletarius (nagbibigay ng supling). Binayaran ang mga mamamayang-sundalong Romano ng kanilang sariling mga kabayo at armas, at nakipaglaban nang walang bayad para sa komonwelt, subalit ang tanging kontribusyong militar ng isang proletarius ay ang kanyang mga anak, ang mga magiging mamamayang Romano na maaaring kolonihin ang mga nasakop na teritoryo. Opisyal na tinatawag na capite censi ang mga walang ari-arian na mamamayan dahil sila ay "mga taong nakarehistro hindi dahil sa kanilang ari-arian...kundi bilang mga nabubuhay na indibiduwal lamang, pangunahin bilang mga puno (caput) ng isang pamilya."[5][pananda 1]
Noong unang bahagi ng ika-19 na dantaon, maraming iskolar na liberal sa Kanlurang Europa—na nag-aaral ng mga agham panlipunan at ekonomika—ang ipinakilala ang sosyo-ekonomikong pagkakatulad ng modernong mabilis na lumalagong uring manggagawang pang-industriya at ng mga klasikong proletaryo. Ang isa sa pinakamaagang pagkakatulad ay matatagpuan noong 1807 sa papel na pilosopo at siyentipikong pampulitikang Pranses na si Hugues Felicité Robert de Lamennais. Nang maglaon, sinalin niya ito sa Ingles na may pamagat na "Modern Slavery".[6]
Ang liberal na ekonomista at mananalaysay na Suweko na si Jean Charles Léonard de Sismondi ang unang naglapat ng terminong proletaryado sa uring manggagawa na nilikha sa ilalim ng kapitalismo, at madalas na banggatin ni Karl Marx ang mga sinulat niya. Malamang na nakita ni Marx ang katawagan habang pinag-aaralan ang mga gawa ni Sismondi.[7][8][9][10]
Si Marx, na nag-aral ng batas Romano sa Unibersidad ng Friedrich Wilhelm ng Berlin, [11] ay ginamit ang katawagang proletaryado sa kanyang teoryang sosyo-politikal (Marxismo) upang ilarawan ang isang progresibong uring manggagawa na hindi nababahiran ng pribadong pag-aari at may kakayahan sa rebolusyonaryong pagkilos para ibagsak ang kapitalismo at puksain mga uring lipunan, na humahantong sa lipunan sa mas mataas na antas ng kaunlaran at katarungan.
Binigyang kahulugan ni Marx ang proletaryado bilang ang uring lipunan na walang makabuluhang pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon (pabrika, makina, lupa, minahan, gusali, sasakyan) at ang tanging paraan ng pamumuhay ay ang pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa para sa sahod o suweldo.[12]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.