Remove ads
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang pagtatalik, pagsisiping, pagkakantutan, pagroromansa o pag-uulayaw[1], ayon sa biyolohikal na kahulugan, ay isang pamamaraan ng isang babae at ng isang lalaki upang makabuo ng kanilang magiging supling sa pamamagitan ng kanilang mga ari. Sa Tanakh at sa Bibliya, ginamit ang salitang nakilala (o sumiping), kung kaya't ang proseso ng pagtatalik ay ang pagkilala ng lalaki sa kaniyang asawa, gayon din ng babae sa kaniyang esposo. Ang pamamaraang pisikal na ito ay ang pagsiping at pagniniig ng diwa, isipan, katawan at puso na bunga ng pagmamahalan ng dalawang tao. Ang pagkakaroon ng anak ang resulta ng prosesong ito.[2] Sa mabuting biro at makatang paghahambing, tinatawag din itong "luto ng Diyos".[3] - sa pabiro at makatang paraan - ang pagsisiping ng mag-asawa na may pagtatalik.[3] Sa ibang kahulugan na bukod sa pakikipagtalik, nangangahulugan ang pagsisiping ng pagtabi, pagpiling, at pagdais, katulad ng sa pagtulog, pag-upo, o paghiga.[4]
Bawat nilalang ay may kakayahang mag-anak at magpakarami. Ngunit dumaraan sa pamamaraan ng pagtatalik ang mga hayop - partikular na ang mga mamalya. Katulad ng mga mamalya, kailangan din ng dalawang taong magtalik para magkaanak. Sa gawaing pagtatalik ng dalawang nasa hustong gulang na tao, may maliit na bilang ng natatanging pluido na may mga semilya ang nasasalin mula sa aring panlalaki hanggang sa pag-aari ng babae. May katangian ang mga selulang punla o semilya na mabilis na makapaglakbay patungo sa bahay-bata ng babae. Sa tulong ng pagsilip sa mikroskopyo, makikitang kahawig ng mga butete ang mga punla (sperm) na may tila-sinulid na buntot. Gumaganap ang buntot na ito bilang isang propeler. Kung may selulang itlog (ovum) na lumabas mula sa bahay-itlog ng isang babae sa kapanahunan ng pagtatalik. At kung nagkataong patungo ang sa bahay bata, magtatagpo at magsasanib ang itlog (ang proseso ng pertilisasyon) at punla na nagiging sanhi ng simula ng pagdadalang-tao ng babae. Ang nagsama at nabuong napunlaang itlog (fertilized egg) ang siyang pinakasimula ng pintig ng buhay sa loob ng katawan ng babae, na sa lumaon ay magiging ganap na sanggol sa loob ng sinapupunan ng isang magiging ina.[5]
Dahil rito, isang responsibilidad at pribilehiyo ang kakayahang magtalik ng dalawang taong nagmamahalan at nagkaisang dibdib sa sakramento ng matrimonyo. Ang pagtatalik ng mag-asawa ang simula ng pagkakaroon ng mag-anak na kasapi ng isang lipunan. Mahalaga ang pagpaplano ng pamilya.[5]
Kadalasang nagdudulot na suliranin ang paggiging magkasintahan ng dalawang nagbibinatang lalaki at babae, sapagkat may kalakasan ang tawag ng damdaming magtalik, na hindi pinaplano, sa mga kabataan. Isang dahilan ang pagiging mausyoso at mausisa ng mga kabataan sa tawag ng damdaming ito, bagaman mayroon din silang pangamba at takot kaugnay nito: kabilang ang pagpapaganda ng batang babae upang makahanap siya ng nararapat na asawang lalaki sa hinaharap na panahon; samantalang umaasa naman ang batang lalaki na maging malakas siya at mapatunay ang kaniyang pagiging lalaki o pagkalalaki upang masiyahan at mapakibagayan ng mabuti ang kaniyang magiging asawang babae.[5]
Isa sa mga nagiging katanungan ng mga kabataan, lalaki man o babae, hinggil sa panahon ng kanilang pagbibinata at pagdadalaga ang: "Normal ba ang nararadaman kong ito?"; "Maganda ba ang itsura ko?", "Maging kaakit-akit kaya ako sa kaniya?" o kaya "E, paano kung gusto niyang makipagtalik?"[6]
Sa paglaon at sa kabila ng kanilang mga pangamba, kapag sumapit na ang mga binatilyo't dalagitang ito sa hustong edad, at dumaan na sila panahong natugon na nila ang kanilang mga personal na katanungan hinggil sa paksa ng pagtatalik at ibang mga kaugnay na paksa, nagiging mas responsable sila at nagtatalaga ng mga pamantayan at ng mga pangmatagalang layunin. Iibigin nilang iwanan ang mga panandalian at madaling-makamit na mga kasiyahang pangkatawan sapagkat iniisip nilang mayroong pang ibang mas mahahalagang bagay kaysa rito. Sa pagbibigay ng pagpapahalaga sa kanilang sarili at mga positibong hangarin at pangangailangan, mas nakapagbibigay rin sila ng angkop na halaga sa ibang mga tao. Mas nauunawaan na nila ang pangangailangan ng pagpili ng tama at nararapat na mga desisyon sa buhay, sa halip na magpadala na lamang sa mga silakbo ng damdamin, upang hindi nila masaktan ang sarili ang ibang tao.[5]
Sa pagkakaedad o pagtanda din ng mga kabataan, mas naiisip din nila ang mga maaaring maging panganib, suliranin, at kabutihan ng mga gawi sa pakikipagtalik at ibang mga pag-uugali at gawi. Naiisip nila ang mga maging dulot ng kanilang mga gawain. Isa sa mga mahalagang magagawa ng kabataan ang kung paano maisasali sa kanilang buhay at pagkakaroon ng kasintahan, sa nararapat na kaparaanan, ang seksuwalidad.[6]
Isang aklat sa Tanakh at sa Bibliya ang Aklat ng Awit ng mga Awit na tumatalakay sa pag-ibig, at matinding dagsa ng damdamin ngunit may malambing na pakikipagtalik. Natatangi ang paksang nasa kabuoan ng aklat: na kamanghamangha ang magmahal. Ipinagdiriwang dito ang kasiyahang nakakamit mula sa pagmamahalan at pakikipagtalik. Nasa mga pahina ng libro ang pananaw ng isang romantikong damdaming may dalang batubalaning kaugnay ng pagkabighaning seksuwal, at pagkakaroon ng katuwaan dito, at pagkakatupad ng damdaming ito. Isang huwaran ang aklat ng Awit ng mga Awit kung ano ang totoong ibig sabihin ng kasal ayon sa pananaw ng mga Kristiyano.[7]
Ayon sa Katekismo ng Simbahang Katoliko (Catechism of the Catholic Church), ang seksuwalidad ay isang mapagkukunan o pinagmumulan ng kasiyahan at kaligayahan. Nilarawan pa sa aklat na ito na inilunsad ng Manlilikha ang gawain ng pagtatalik na para sa tungkulin ng pagpaparami o pag-aanak upang makaranas ang mag-asawa ng kaluguran at katuwaan sa katawan at sa espiritu. Ipinaliwanag pa rin ng aklat na ito na walang masama sa paghahanap ng kasiyahan at kaligayahang ito sapagkat tinatanggap lamang ng lalaki at babae ang kung ano ang itinakda at inilaan ng Diyos para sa kanila, subalit kailangan lamang na panatilihin ng lalaki at babae ang kanilang mga sarili sa loob ng mga hangganan ng makatuwirang katimpian.[8] Bilang karagdagan, nilarawan pa rin ng Katekismong ito ang pagtatalik bilang matalik, banal, dalisay, marangal, at dakilang pagdadaop o pagsasanib. Ayon sa aklat, ang tunay na makataong pagganap o pagsasagawa ng pagtatalik ay nagtataglay at lumilinang ng pagbibigay ng sarili na nagpapayaman sa katuwaan at pagpapasalamat o utang ng loob ng mag-asawa.[8] Kaugnay ng mga naunang paglalarawan, sinasabi pa rin ng Katekismo na nakakaapekto ang seksuwalidad sa lahat ng mga aspeto o tabas ng pagkatao ng tao na nasa loob ng pagkakaisa ng katawan at ng kaluluwa. Nakatuon ang seksuwalidad sa pagkaantig ng damdamin, sa kakayahang magmahal at magkaroon ng anak ng tao, at sa kakayahang makabuo ng matibay na ugnayang may pakikilahok at pakikiisa sa ibang tao.[9]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.