Mga Manuskrito ng Dagat Patay
From Wikipedia, the free encyclopedia
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Dead Sea Scrolls (Mga Manuskrito ng Dagat Patay, Kastila: Manuscritos del Mar Muerto) o Qumran Caves Scrolls (Mga Rolyo ng Qumran, Kastila: Rollos de Qumrán) ay isang koleksiyon ng mga 972 teksto na naglalaman ng mga aklat ng bibliyang Hebreo gayundin ang mga aklat ng apokripa at iba pang dokumento na natagpuan sa pagitan ng 1947 at 1956 sa Khirbet Qumran sa hilagang-kanluran baybayin ng Dagat Patay sa Palestina, na kasalukuyang tinatawag na Kanlurang Pampang (West Bank).
Ang mga balumbong ito ay itinuturing na isa sa pinakamahalagang mga relihiyosong dokumento na natuklasan dahil ito ay naglalaman ng pinakamatandang manuskrito ng Bibliyang Hebreo at nagbibigay ebidensiya ng pagkakaiba ng paniniwalang Hudaismo noong unang siglo BCE. Ang mga manuskritong ito ay isinulat sa Hebreo, Aramaiko at Griego. Bukod dito, karamihan ng mga manuskritong ito ay isinulat sa mga balat ng hayop(parchment) ngunit may ilang mga manuskritong isinulat sa papirus(papel mula sa halaman) at may isang rolyo na isinulat sa isang tanso(copper). Ang mga rolyong ito ay pinaniniwalaang isinulat sa pagitan ng 150 BCE at 70 CE.
Bago ang 1968, ang mga balumbong ito ay nakalagak sa Museong Rockefeller sa Herusalem. Pagkatapos ng Digmaang Anim na Araw (sa pagitan ng Hunyo 5 at 10, 1967), ang mga balumbon at pragmentong ito ay inilipat sa Dambana ng Aklat sa Museo ng Israel.
Ang unang mga litrato ng mga balumbon ay inilabas lamang sa publiko noong 1991 (o 44 taon pagkatapos matuklasan ang unang balumbon) dahil sa pagpipilit na gawing publiko ang mga litrato ng mga balumbong ito.
Noong 1991, ang mga mananaliksik sa Hebrew Union College sa Cincinnati, Ohio na sina Ben Zion Wacholder and Martin Abegg, ay naghayag ng pagkakalikha ng isang software upang muling buuin ang mga teksto ng mga balumbong ito.
Ayon sa karamihan ng mga eskolar, ang mga rolyong ito ay isinulat ng isang sekta ng Hudaismo na tinatawag na Essene sa pagitan ng 150 BCE hanggang 70 CE. Ang mga Essene ay binanggit ng historyador na si Josephus at ni Pliny ang Matanda. Ang mga Essene ay masugid na tagasunod ng Torah (Kautusan ni Moises), mga asetiko (nagmamasid ng kabanalan at tumalikod sa mga gawaing sekular) at tinatawag ang kanilang komunidad na "mga hinirang ng diyos" at isang "bagong tipan". Ilan sa kanilang mga katuruan ang paniniwala sa isang mesiyas na kanilang tinatawag na "Guro ng Katwiran" na sinalungat at pinatay ng "mga anak ng kadiliman", paniniwalang apokaliptiko (malapit ng magunaw ang mundo) at pagmamasid ng pagbabautismo sa mga miyembro nito.
Ang ilang iskolar ay hindi umaayon sa teoryang ito. Halimbawa ayon kay Lawrence H. Schiffman ng Unibersidad ng New York, ang mga balumbong ito ay hindi isinulat ng mga Essene kundi ng mga supling ng Saserdoteng Saduceo na tinatawag na Zadokite. Ayon naman kay Robert H. Eisenman ng Pamantasang Estatal ng California sa Long Beach, ang mga rolyo ito ay isinulat ng mga tagagasunod ng kapatid ni Hesus na si Santiago na pinainiwalaang pinuno ng iglesiang Kristiyano sa Herusalem. Ayon sa eskolar naman na si Norman Golb ng Unibersidad ng Chicago, walang isang grupo ang sumulat ng mga balumbong ito kundi ang mga balumbong ito ay inilapat mula sa mga aklatan sa Herusalem nang maganap ang digmaan noong 66-70 CE.
Ang teksto ng mga balumbon ng Dagat Patay ay isinulat sa apat na magkakaibang mga wika: Ebreo, Aramaiko, Griyego at Nabatean.
Wika | Sulatin | Persentahe ng mga dokumento | Mga siglo ng alam na paggamit ng wikang ito |
---|---|---|---|
Ebreo | Sulating Ashuri[1] | Mga 76.0-79.0% | ika-3 siglo BCE hanggang sa kasalukuyang panahon |
Ebreo | Sulating Kriptiko "A" "B" at "C"[2][3][4] | Mga 0.9%-1.0%[5] | Hindi alam |
Ebreo | Sulating Paleo-Hebreo[6] | Mga 1.0-1.5%[4] | ika-10 siglo BCE hanggang ika-2 siglo CE |
Ebreo | Sulating Paleo-Ebreo[6] | ||
Aramaiko | Sulating Aramaikong kwadrado | Mga 16.0-17.0%[7] | ika-8 siglo BCE hanggang sa kasalukuyang panahon |
Griyego | Sulating uncial na Griyego[6] | Mga 3.0%[4] | ika-3 siglo CE hanggang ika-8 siglo CE |
Nabataean | Sulating Nabataean[8] | Mga 0.2%[8] | ika-2 siglo BCE hanggang ika-4 siglo CE |
Dahil ang mga rolyo ng Patay na Dagat ang pinakamatandang manuskrito ng Tanakh(Lumang Tipan), ang mga rolyong ito ay ikinumpara sa 3 pangunahing manuskrito ng Tanakh, ang Masoretiko, Septuagint, at Samaritan Pentateuch. Ang Masoretiko ang Hebreong bersyon ng Tanakh na ginagamit sa kasalukuyang Rabinikong Hudaismo at basehan ng mga bagong salin ng Lumang tipan ng Bibliya. Ang Septuagint ang saling Griyego ng isang tekstong Hebreo sa pagitan ng 200-100 BCE. Ang Septuagint ay isinalin mula sa tekstong Hebreo na iba sa Hebreo ng Masoretico. Ang Samaritan Pentateuch ay salin ng Hebreong Pentateuch (Henesis, Exodo, Levitico, Deuterenomio, at Mga Bilang) sa alpabetong Samaritano na ginagamit sa relihiyong Samaritanismo. Ayon sa iskolar ng mga Rolyo ng Dagat na Patay na si Lawrence Schiffman, na punong patnugot ng mga balumbon ng Dagat Patay, halos 60% ng mga balumbon ay umaayon sa tekstong Masoretiko, 5% ay umaayon sa Septuagint at 5% ay umaayon sa Samaritan Pentateuch. 10% naman ang hindi umaayon sa 3 manuskritong ito kabilang dito ang matatagpuan sa 4QDeut-b, 4QDeut-c, 4QDeut-h, 4QIsa-c, and 4QDan-a.[9][10][11] Ayon sa ibang eskolar, ang Dead Sea Scrolls ay umaayon lamang sa 40% ng Masoretiko.[12]
Bukod sa mga aklat ng Tanakh at mga aklat ng apokripa o deuterokanoniko (para sa mga Romano Katoliko), ang mga balumbong ito ay naglalaman din ng mga katuruan ng sekta ng Hudaismo na nakatira sa Qumran na tinatawag na Mga Essene sa pagitan ng unang siglo BCE hanggang unang siglo CE. Ayon sa mga eskolar, ito ay nagbibigay ng ebidensiya ng pagkakaiba ng mga paniniwala sa Hudaismo noong unang siglo BKP hanggang unang siglo KP. Ayon din sa mga eskolar, karamihan ng mga katuruan ng Essene ay magkahalintulad sa mga katuruan ng Kristiyanismo (sa Bagong Tipan). Ito ay sumasalungat sa tradisyonal na paniniwalang ang Kristiyanismo ay isang natatangi at walang katulad na relihiyon noong unang siglo KP. May mga teorya ang mga eskolar sa relasyon ng dalawang sektang ito.[13]
Ang unang kuweba ay natuklasan noong 1947. Ito ay unang hinukay ni Gerald Lankester Harding at Roland de Vaux mula Pebrero hanggang 5 Marso 1949.
Ang ikalawang kuweba ay natuklasan noong 1952.[14] Ang kwebang ito ay naglalaman ng 300 pragmentaryong(hindi kumpleto) mula sa 33 manuskrito kabilang na ang Jubilees at Karunungan ni Sirach sa wikang Hebreo.
Ang ikatlong kuweba ay natuklasan noong 14 Marso 1952.[14] Natagpuan sa kwebang ito ang 14 na manuskrito kabilang ang Jubilee, at ang Rolyong Tanso na naglalaman ng mga talaan ng taguang lugar sa buong Judea na naglalaman ng mga ginto, pilak, tanso, aromatiko at mga manuskrito.
Ang ikaapat na kuweba ay natuklasan noong Agosto 1952, at hinukay mula Setyembre 22–29, 1952 nina Gerald Lankester Harding, Roland de Vaux, at Józef Milik.[15] Ang mga natuklasang manuskrito sa kwebang ito ang bumubuo sa halos siyamnapung porsiyento ng mga rolyo ng Patay na Dagat kabilang na ang 9-10 manuskrito ng Jubilee pati 21 tefillin at 7 mezuzot.
Ang ikalima at ikaanim na kuweba ay natuklasan noong 1952, pagkatapos matuklasan ang ikaapat na kweba. Ang ikalimang kweba ay naglalaman ng halos 25 manuskrito samantalang ang ikaanim na kweba ay naglalaman ng 31 pragmentaryong manuskrito.[15]
Ang ikapito hanggang ikasiyam na kuweba ay hinukay noong 1957. Ang ikapitong kweba ay naglalaman ng 20 pragmentaryong mga manuskrito na isinulat sa Griyego kabilang ang 7Q2 ("Sulat ni Jeremias" na katumbas ng Baruch sa Biblikal na kanon ng Katolisismo), 7Q5 at manuskrito ng Aklat ni Enoch.[17][18][19] Bukod dito ang ikapitong kweba ay naglalaman din ng mga paso at banga.[20]
Ang ikawalong kuweba ay naglalaman ng 5 pragmentaryo ng Henesis (8QGen), Awit(8QPs), 8QPhyl, mezuzah (8QMez), at himno(8QHymn).[21] Ang ikawalong kuweba ay naglalaman din ng ilang mga kahon ng tefillin, isang kahon ng katad(leather) na bagay, lampara, banga at sapatos na gawa sa katad.[20]
Ang ikasiyam na kuweba ay naglalaman ng kaunti ngunit hindi matukoy na mga pragmentaryo.
Sa ikawalo at ikasiyam ay natuklasan ang ilang buto ng prutas ng datilero.[20][22][23]
Ang ikasampu ay naglalaman lamang ng 2 ostracon(isang uri ng paso) na may ilang mga kasulatan dito kasama ng hindi alam na simbolo sa isang gray na tipak ng bato.
Ang ikalabing-isang kuweba ay natuklasan noong 1956 at naglalaman ng 21 manuskrito kabilang ang "Rolyo ng Templo"(na tumutukoy sa pagtatayo ng Templo sa Jerusalem), Jubilee, at manuskrito tungkol kay Melchizedek.[24] Ayon sa dating pangunahing editor ng pangkat editorial ng "Rolyo ng Patay na Dagat", may halos 4 na rolyong pag-aari ng mga pribadong indibidwal na hindi pa nasusuri ng mga eskolar. Kabilang dito ang kumpletong Aramaikong manuskrito ng Aklat ng Enoch.[25]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.