Remove ads
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Basung, na kilala rin sa tawag na Hyades sa wikang Ingles,[1] ay isang bukas na klaster ng mga bituin at isa sa mga pinakanaaral nang mga kumpol ng bituin na may layong 153 sinag-taon (o 47 parsec) mula sa sistemang solar.[2][3][4][5] Binubuo ito ng halos pabilog na pangkat ng daan-daang mga bituing may pare-parehong tanda, pinagmulan, kemikal na katangian, at pagkilos sa kalawakan.[6][7] Sa perspektibo ng mga mga nagmamasid mula sa Daigdig, matatagpuan ang Basung sa talampad ng Taurus, kung saan ang pinakamaliliwanag nitong mga bituin ay bumubuo ng hugis "V" kasama ang mas maliwanag pang bituin ng Aldebaran. Gayunman, bukod sa mahahanap sa parehong linya ng paningin mula sa Daigdig, walang direktang pisikal na kaugnayan ang Aldebaran sa mismong Basung.
Naubos na ng lima sa pinakamaliwanag na mga bituing bumubuo sa Basung ang kanilang panggatong na idrohino sa kanilang kaibuturan at nasa proseso na ng pagiging higanteng bituin.[8] Ang isa sa limang ito, ang Epsilon Tauri o Ain ("mata ng toro" sa wikang Arabo), ay maaaring nagtataglay ng isang higanteng gaas na exoplanet,[9] na kung makumpirma, ay isa sa pinakaunang mga planetang matatagpuan sa anumang bukas na klaster ng mga bituin.
Tinatayang nasa 625 milyong taong gulang na ang edad ng Basung.[10] Ang ubod ng klaster, kung saan pinakasiksik ang mga bituin, ay may radius na 8.8 sinag-taon (2.7 parsec) habang ang tidal radius naman o hangganan nito kung saan mas nagiging mapagpasya na ang grabidad ng pumapalibot na galaksiya ng Ariwanas ay umaabot sa 33 sinag-taon (10 parsec).[11] Subalit, sangkatlo ng mga kumpirmadong kasapi ng klaster ay matatagpuan lampas ng layong ito, sa ekstensyon ng kapaligiran ng klaster, na maaaring nasa proseso pa lang ng paglisan mula sa batawang grabidad nito.[12]
Batay sa pagsukat ng parallax at sa paghahambing ng kulay ng mga bituin ng kumpol na ito sa pamantayang modelo ng Hertzsprung-Russell diagram, natukoy na ang gitna ng Basung ay may layong 153 sinag-taon (47 parsec) mula sa sistemang solar.[13][14][15][16] Wala namang direktang pisikal na kinalaman ang Basung sa mga kanugnog na klaster nito na Moroporo at "sapa" ng Ursa Major, na maaari ring makita nang walang largabista o teleskopyo sa malinaw na madilim na kalangitan.
Apat sa limang pinakamaliliwanag na bituin ng Basung (ang Gamma, Delta1, Epsilon, at Theta Tauri) ay bumubuo sa asterismong tinatawag na "ulo" ng talampad na toro na Taurus.[17] Ang Theta Tauri naman, ay sa katunayan, isang binary star system, o binubuo ng dalawang halos magkalapit na bituin: ang Theta1 Tauri at ang mas maliwanag na Theta2 Tauri.
Kapareho rin ng Basung ng tanda, antas ng bakal (metalisidad), at katangian ng pagkilos ang mas malayong kumpol ng Praesepe, habang ang direksyon ng kanilang pagkakatilapon ay maaaring maibalik sa parehong puwesto sa kalawakan, patunay na mayroon silang parehong pinagmulan.[18][19]
Kilala na ang Basung ng mga tao simula pa ng mga panahong pre-historiko.[20] Katuwang ang isa pang klaster, ang Moroporo, binubuo ng Basung ang "gintuang tarangkahan ng ekliptik" na ginagamit ng mga sinaunang astronomo bilang pananda ng pagbabago ng panahon.[21] Para sa mga sinaunang mamamayang Jama-Mapun ng Tawi-Tawi, tinatawag nila itong "Basung"[22] na isang basong ginagamit sa isang uri ng kanilang ritwal.[23] Para naman sa mitolohiya ng mga sinaunang Griyego, ang mga bituin na tinatawag nilang Hyades ay ang limang anak na babae ng titan na si Atlas at kalahating-kapatid ng mga Pleiades.[24] Makailang-ulit din itong nabanggit sa kanilang klasikal na panitikan, mula kay Homer hanggang kay Ovid.[20] Sa ika-18 aklat ng Iliad, ang mga bituin ng Hyades ay kabilang sa mga bituing inilagay ng diyos na si Hephaistos sa kalasag na binuo niya para kay Achilles.[25] Sa Inglatera naman, kilala ang klaster na ito bilang "mga tagapag-ulan ng Abril" dahil sa kaugnayan ng mga bituing ito sa pag-uulang nagaganap sa buwan na iyon.[26]
Sa modernong astronomiya, unang naitala ang Basung ng astronomong si Giovanni Battista Hodierna noong 1654 at kamakaila'y naisama na rin sa iba't ibang talaan o atlas ng mga bituin sa mga sumunod na dantaon. Gayunman, sa hindi matukoy na dahilan, hindi ito isinama ng astronomong si Charles Messier sa kanyang katalogo noong 1781.[20] Noong 1869 naman, unang napansin ng astronomong si R.A. Proctor na pare-pareho ang direksyong ikinikilos ng mga bituin ng Basung sa kalawakan.[27] Noong 1908 naman, naiguhit naman ng astronomong si Lewis Boss ang dinaanan ng pagkilos ng mga bituin ng Basong pabalik sa isang lokasyon ng kanilang pinagmulan.[28] Pagsapit ng 1920s, tanggap na ng mga astronomo na ang Basung at kumpol ng Praesepe ay may parehong pinagmulan.[29]
Lahat ng mga bituin ay nabubuo sa mga kumpol bagaman karamihan sa mga klaster ay nagkakawatak-watak ng hindi hihigit sa 50 milyong taon matapos ang proseso ng pagkakabuo ng mga bituin, isang penomenong tinatawag na "pagsingaw."[30] Ang mga klaster na may napakataas na masa lamang, yaong mga umiinog malayo mula sa gitna ng isang galaksiya, ang maaaring hindi malusaw kahit sa paglipas ng mas mahahabang panahon.[31] Isa na rito ang Basung, na maaaring nagtaglay ng mas maraming bituin noong kabataan pa nito. Tinatayang ang orihinal na kabuuang masa ng Basung ay sumasaklaw sa mula 800 hanggang 1,600 beses na mas malaki kumpara sa masa ng araw.[32][33]
Sa isang kumpol ng mga bituin na may edad na 625 milyong taon, naglalaho ang mga main-sequence na bituin nito sa masang 2.3 beses na mas malaki sa masa ng Araw, kung kaya ang anumang mga mabibigat na bituin sa klaster ay malamang na naging sub-higante, higante, o puting unano (white dwarf) na, habang ang mga bituing may di kasing-bigat na masa ay tuloy-tuloy na gagatong ng idrohino at mananatiling nasa main-sequence.[34] Batay sa malawakang pagsisiyasat, may 8 puting unano sa kaibuturan ng kumpol,[35] na indikasyon na nasa huling bahagi na ng kanilang buhay ang orihinal na populasyon ng mga bituin ng Basung na may uring "B" (na bawat isa ay may masang 3 beses na mas malaki sa Araw).[36] Kinakatawan naman ng apat na pulang higanteng bituin (red giant) ng klaster ang una sa huling yugto ng buhay ng isang bituin; ang uring spektral nila ay K0 III, bagaman lahat sila ay "retiradong bituing A" na may masang 2.5 beses na mas malaki sa Araw.[37][38][39] Ang primaryang bituin ng binary system ng Theta Tauri, ay isa namang "puting higanteng bituin" na may uring spektral na A7 III.[40][41] Ang nalalabing populasyon naman ng kumpol ay kinabibilangan ng maraming maliwanag na bituing may uring spektral na "A" (di bababa sa 21 bituin); "F" (mga 60 bituin), at "G" (mga 50 bituin).[42][43] Lahat ng mga uri ng bituing ito ay nakakonsentra sa loob ng tidal radius ng Basung.[44]
Sa kabilang banda, ang populasyon naman ng mga bituin ng Basung na may mabababang masa at uring spektral na "K" at "M" ay hindi pa lubusang nauunawaan kahit na relatibong malapit lang ang mga ito sa sistemang solar at matagal nang minamanmanan. Hindi bababa sa 48 bituin ang kabilang sa uring "K" na kumpirmadong kasapi ng Basung habang may mga isang dosenang unanong bituin naman ang kabilang sa uring "M".[45][46][47] May mga iminungkahing dagdag na unanong bituing "M" na maaaring kasapi ng klaster subalit mayroon lamang na 12 kayumangging unano (brown dwarf) an naiulat.[48][49][50] Ang mababang bilang na ito ng naturang uri ng bituin ay malayong napakakaunti kumpara sa 239 na kaparehong uri ng bituin na matatagpuan sa layong 10 parsec mula sa bisinidad ng sistemang solar at 76% ng mga kanugnog na bituin nito.[51]
Ang naobserbahang distribusyon ng mga uri ng bituin sa Basung ay nagpapakita na may kasaysayan ito ng paghihiwa-hiwalay ng mga bituin batay sa kani-kanyang masa. Maliban sa mga puting unano nito, ang mga bituing umiiral sa loob ng dalawang parsec mula sa gitna ng Basung ay yaong lang na mga may masang hindi bababa sa masa ng Araw.[52] Ang makitid na konsentrasyon ng mabigat-bigat na mga bituing ito ang siyang nagbibigay sa pangkabuuang istruktura ng Basung: may kaibuturan ito ng maliwanag na mga bituin at isang bilugang sinag ng mas kalat na mga bituin. Ang radius ng kaibuturan nito ay 2.7 parsec (o 8.8 sinag-taon) habang ang tidal radius nito na 10 parsec (o ~33 sinag-taon) ang hangganan ng grabidad ng Basung kung saan mananatiling umiinog ang bituin nito sa palibot ng kaibuturan nito.[53][54]
Ayon sa mga pagsusuri, 90% ng mga bukas na klaster ay nalulusaw sa loob ng 1 bilyong taon matapos nilang mabuo, habang may maliit lamang na bahagdan ang nagtatagal nang kasing-edad ng sistemang Solar (o 4.6 bilyong taon).[55] Sa susunod na ilang daang milyong taon, tuloy-tuloy na mababawasan ng masa at kasaping bituin ang Basung habang ang mga pinakamaliwanag nitong mga bituin ay magtatapos na sa pagiging main sequence at ang mga pinakamalimlim nitong mga bituin ay hindi na makaaambag pa sa liwanag ng kabuuang sinag nito. Sa huli, may matitirang labi na lang ito ng mga ila-ilang dosenang mga sistema ng mga bituin na karamiha'y binary o multiple star system na mananatiling bulnerable sa mga umiiral na pwersang nagdudulot sa paghihiwa-hiwalay ng mga bituin ng klaster sa isa't isa.[55]
Narito sa ibaba ang talahanayan ng mga kasapi ng Basung na may maliwanag na kalakhang may ikaapat na magnitud o mas maliwanag pa:[56]
Pangalan (Designasyong Bayer) | Designasyong Henry Draper (HD) | Liwanag na kalakhan | Uring stellar |
---|---|---|---|
Theta2 Tauri | 28319 | 3.398 | A7III |
Epsilon Tauri | 28305 | 3.529 | K0III |
Gamma Tauri | 27371 | 3.642 | G8III |
Delta1 Tauri | 27697 | 3.753 | G8III |
Theta1 Tauri | 28307 | 3.836 | G7III |
Kappa Tauri | 27934 | 4.201 | A7IV-V |
90 Tauri | 29388 | 4.262 | A6V |
Upsilon Tauri | 28024 | 4.282 | A8Vn |
Delta2 Tauri | 27962 | 4.298 | A2IV |
71 Tauri | 28052 | 4.480 | F0V |
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.