Ang puno ng pamahalaan (Ingles: head of government) ay panlahatang taguri sa pinakamataas o ikalawang pinakamataas na opisyal ng sangay tagapagpaganap ng isang nakapangyayaring estado, estado ng isang pederasyon, o kolonyang may malasariling pamahalaan, at malimit na nanunungkulang tagapangulo ng gabinete. Karaniwang ginagamit ang taguring puno ng pamhalaan upang itangi ito sa puno ng estado,e.g. gaya sa artikulo 7 ng Vienna Convention on the Law of Treaties, artikulo 1 ng Convention on the Prevention and Punishment of Crimes against Internationally Protected Persons, including Diplomatic Agents at talaan ng protokol ng Mga Nagkakaisang Bansa.[1][2][3] Ang kapangyarihan ng isang puno ng pamahalaan, at ang kaugnayan ng posisyong sa iba pang institusyon ng estado (gaya ng puno ng estado at lehislatura) ay nagkakaiba-iba bawat bansa, batay na rin sa partikular na modelo ng saligang-batas na pinili.
Sa sistemang parlamentaryo, ang puno ng pamahalaan ay ang de factong pinunong politikal ng estado at nanánagot sa lehislatura (o sa isang kapulungan lamang nito). Bagaman may pormal na ugnayan upang mag-ulat sa puno ng estado, ang hulí ay karaniwang tumatayong pinuno-pinunuan lamang na maaaring gumanáp sa kapangyarihan nito bilang punong tagapagpaganap sa iilang pagkakataon lamang — sa tuwing tatanggap ng payòng konstitusyonal mula sa puno ng pamahalaan o sa ilalim ng ilang takdang tadhana sa saligang-batas.
Sa mga pampanguluhang republika at ganap na monarkiya; ang puno ng estado ay malimit na puno rin ng pamahalaan. Nag-iiba-iba ang kaugnayan ng puno ng estado at pamahalaan sa iba pang sangay ng estado, mula sa pagkakahiwalay ng kapangyarihan hanggang awtokrasya, ayon sa saligang-batas (o iba pang batayang batas) ng mga estado.
Sa mga sistemang semi-presidensiyal, ang puno ng pamahalaan ay nanánagot sa parehong puno ng estado at sa lehislatura, na may kaniyang katakdaan sa ilalim ng saligang-batas. Magandang halimbawa nito ang Ikalimang Republikang Pranses (1958–kasalukuyan), kung saan hinihirang ng Pangulo ang Punong Ministro, ngunit dapat niyang piliin ang may kakayahang magpatakbo ng pamahalaan, at makakakuha ng suporta sa Kapulungang Pambansa. Kapag hawak ng oposisyon ang Kapulungang Pambansa (sa gayon ang pambansang pondo at pagsasabatas), mapipilitan ang Pangulo na pumili ng Punong Ministro sa hanay ng oposisyon. Sa ganoong pagkakataon, tinatawag itong cohabitation – kontrolado ng Punong Ministro (kasama ang gabinete) ang patakarang panloob, habang limitado na lang sa ugnayang panlabas ang impluwensiya ng Pangulo.