Ang kreasyonismo (Ingles: Creationism) ay isang paniniwalang pampananampalataya[1] na itinataguyod ng ilang mga pangkat ng relihiyon partikular na sa Kristiyanismo, Islam at iba pa na ang sangkatauhan, buhay, ang Daigdig at ang uniberso ay nilikha ng diyos (ng partikular na relihiyon) sa halip na sa pamamagitan ng ebolusyon. Sa pag-unlad ng kontrobersiya ng paglikha at ng ebolusyon, ang katagang "anti-ebolusyonista" (kalaban ng ebolusyon) ay naging mas pangkaraniwan, at noong 1929 sa Estados Unidos, ang katawagang creationism o kreasyonismo ay unang tiyak na naugnay sa hindi paniniwala ng mga pundamentalistang Kristiyano sa teoriyang siyentipiko ng ebolusyon.[2]
- Ang "kresyunismo" ay maaari ring tumukoy sa mga mito ng paglikha, o sa isang diwa hinggil sa pinagmulan ng kaluluwa. Para sa kilusan sa panitikang Kastila, tingnan ang Creacionismo.
Part of a series on |
Creationism |
History of creationism |
Types of creationism |
Young Earth creationism |
Mythology and theology |
Creation myth |
Creation science |
Baraminology |
Controversy |
History |
Particular religious views |
Deist ·
Hindu ·
Islamic ·
Jewish |
Book · Category · Portal |
Sa ngayon, ang Amerikanong Apilyasyong Siyentipiko at ang Mga Kristiyano sa Agham na nakabase sa Nagkakaisang Kaharian ay kumikilala na mayroong iba't ibang mga opinyon sa piling ng mga kreasyonista hinggil sa paraan ng paglikha, habang ipinapahayag ang pagkakaisa ukol sa paniniwalang Kristiyano na ang Diyos ang "lumikha ng sansinukob".[3][4][5] Magmula noong dekada 1920, ang kreasyonismong literalista sa Amerika ay tumututol sa mga teoriyang pang-agham katulad ng ebolusyon,[6][7][8] na hinango mula sa mga obserbasyon ng uniberso at ng buhay. Ang mga kreasyonistang pundamentalista ay nagbabatay ng kanilang paniniwala sa isang literal na pagbasa ng paglikha na mula sa salasay ng Aklat ng Genesis.[9] Ang ibang mga relihiyon ay may iba't ibang mga mito ng paglikha,[note 1][10][11][12] habang ang magkakaibang mga kasapi ng indibidwal na mga pananalig ay nagkakaiba-iba sa kani-kanilang mga pagtanggap ng mga natutuklasan sa larangan ng agham.[13][14][6][15] Ang kreasyonismo ay inilalarawan ng pamayanang siyentipiko bilang pseudosiyensa (hindi agham).[16][17][18][19][20]
Ang kreasyonismo ay hindi kumakatawan sa lahat ng paniniwalang Kristiyano tungkol sa paglikha ng uniberso at mga tao at sa literal na pagbasa ng bibliya. Ang ilang mga denominasyong Kristiyano at Hudaismo ay tumatanggap na ang ebolusyon ay hindi sumasalungat sa kanilang paniniwala sa paglikha at mga pinagmulan ng tao. Ang kreasyonismang matandang mundo(old earth creationism) ay isang termino na sumasakop sa iba't ibang mga uri ng kreasyonismo kabilang ang gap creationism, progressive creationism, at evolutionary creationism. Ang kreasyonismong ito ay mas umaayon sa nananaig na pananaw siyentipiko kesa sa literalistang kreasyonismong batang mundo. Ang teistikong ebolusyon ang paniniwala ng ilang pangkat ng Kristiyanismo na ang ebolusyon ay umaayon sa kanilang relihiyon. Ayon sa paniniwalang ito, ang ebolusyon ay simpleng ang kasangkapan na ginamit ng diyos upang magpaunlad ng buhay ng tao.
Mga kritisismong siyentipiko ng kreasyonismo
Ang United States National Academy of Sciences ay nagsaad na "ang kreasyonismo ay sa katotohanan isang pseudosiyensiya (hindi agham) at hindi dapat itanghal na agham" .[21][22] at "ang mga pag-aangkin ng kreasyonismo ay nagkukulang sa suportang empirikal at hindi makahulugang masusubok".[21] Ayon sa Skeptic, ang kilusang kreasyonismo ay nagkamit ng karamihan ng lakas nito sa pamamagitan ng paggamit ng pagliliko at paggamit ng mga taktika na hindi etikal sa agham at malalang nagbibigay ng maling representasyon ng teoriya ng ebolusyon".[23][24]
Para ang isang teoriyang siyentipiko na mauri bilang siyentipiko, ito ay dapat:
- umaayon o consistent sa sarili at panlabas
- parsimonyoso
- magagamit sa paglalarawan at pagpapaliwanag ng mga napagmasdang phenomena
- masusubok na empirikal at mapapamali ng mga pagsubok
- batay sa kontrolado at mauulit na mga eksperimento
- matutuwid at nagbabago upang umangkop sa mga bagong natuklasang data o ebidensiya
- umuunlad na nagkakamit ng lahat ng mga nakamit ng mga nakaraang teoriya at marami pa
- tentatibo na umaaming maaaring ang teoriyang iminumungkahi ay hindi tama kesa sa pagsasaad ng katiyakan nito.
Itinatakwil ng mga siyentipiko ang hipotesis ng kreasyonismo dahil sa kawalan ng ebidenisya. Noong 1987, ang Korte Suprema ng Estados Unidos ay nagpasya na ang kreasyonismo ay isang relihiyon, hindi isang agham at hindi maaaring itaguyod sa mga silid aralan na pang-publiko.[25]
Ang isang buod ng mga pagtutol sa kreasyonismo ng mga siyentipiko ang sumusunod:
- Ang kreasyonismo ay hindi mapapamali: Ang akto ng paglikha na nilalarawan ng kreasyonismo ay hindi mapapamali dahil walang mga masusubok na hangganan ang maitatakda sa manlilikha nito. Hindi posibleng mapabulaanan ang isang pag-aangkin kapag ang pag-aangking ito ay sumasakop sa bawat maiisip na kontinhensiya.[26]
- Ang kreasyonismo ay lumalabag sa prinsipyo ng parsimonya: Ang razor ni Occam ay pumapabor sa mga paliwanag na umaasa sa pinakaunting mga pagpapalagay. Ninanais ng mga siyentipiko ang mga paliwanag na umaayon sa alam at sinusuportahang mga katotohanan at ebidensiya at nangangailangan ng pinakakaunting mga pagpapalagay upang punan ang natitirang mga puwang. Ang karamihan ng mga pag-aangkin ng kreasyonismo ay umuurong mula sa mas simpleng mga paliwanag na siyentipiko at nagpapakilala ng mga komplikasyon at paghahaka haka sa ekwasyon.[27]
- Ang kreasyonismo ay hindi at hindi maaaring masubok ng empirikal o sa mga eksperimento: Ang kreasyonismo ay nagsasaad ng mga dahilang supernatural na nasa labas ng sakop ng naturalismong pamamaraan at mga eksperimentong siyentipiko.
- Ang kreasyonismo ay hindi maitutuwid, hindi nagbabago, tentatibo o umuunlad: Ang kreasyonismo ay naniniwala sa isang nakatakda at hindi mababagong pagpalagay o absolutong katotohan na salita ng diyos na hindi bukas sa pagbabago. Ayon sa mga kreasyonista, ang anumang ebidensiya na sumasalungat sa kanilang "katotohanan" ay dapat balewalain.[28] Sa agham, ang lahat ng mga pag-aangkin ay tentatibo. Ang mga ito ay palaging bukas sa mga hamon at dapat itapon o isaayos kapag ito ay inaatas ng timbang ng mga ebidensiya o data.
Sa pagsasaad ng mga pag-aangkin ng mga biglaang paglitaw gaya ng saltasyon,[29] o "hopeful monsters",[30] at iba pang mga milagrosong akto, ang kreasyonismo ay hindi angkop para sa mga kasangkapan at pamamaraan na inaatas ng agham at hindi maituturing na siyentipiko sa paraang ang terminong agham/science ay kasaulukuyang inilalarawan.[31] Ang kreasyonismo ay karaniwang inilalarawan ng mga siyentipiko at mga manunulat ng agham bilang isang pseudosiyensiya (hindi agham).[32][33][34][35]
Mga pag-angkin ng kreasyonismo
Ang terminong Creation science o scientific creationism[36] ang sangay ng kreasyonismo na nagtatangka na magbigay ng suportang siyentipiko para sa salaysay ayon sa Genesis sa Aklat ng Genesis. Ito tumatakwil o nagtatangkang magpamali sa mga pangkalahatang tinatanggap na katotohanan sa agham, mga teoriyang siyentipiko at mga paradigm tungkol sa kasaysayan ng daigdig, kosmolohiya at biolohikal na ebolusyon.[37][38] Ang mga sumusunod ang mga inaangkin ng mga kreasyonista na agham ng paglikha at ang pagpapamali rito ng mga siyentipiko.
Biolohiya
Ang kreasyonismo ay nakasentro sa ideya na hinango sa Aklat ng Genesis na nagsasaad na ang buhay ay nilikha ng diyos sa isang may hangganang bilang ng mga "uri" (kinds) kesa sa pamamagitan ng biolohikal na ebolusyon mula sa karaniwang ninuno. Ang mga kreasyonista ay nag-aangkin na ang anumang mapagmamasdang speciation ay nagmula mula sa mga nilikhang "uring" ito sa pamamagitan ng pagtatalik, mga mutasyon na deleteryoso at iba pang mga mekanismo na henetiko.[39] Bagaman ang mga kreasyonista ay naniniwala sa mikroebolusyon ng biolohiyang pang-ebolusyon, ang mga kreasyonista ay tumututol sa makroebolusyon ng biolohiyang pang-ebolusyon.[40] Ang mga kreasyonista ay nag-aangkin na walang ebidensiya ng mga bagong species ng mga hayop o halaman at hindi pinaniniwalaan ng mga kreasyonista ang mga ebidensiya na nagdodokumento ng gayong proseso sa fossil record.[41] Ayon sa mga kreasyonista, ang tumaas na kompleksidad ng mga organismo sa paglipas ng panahon sa pamamagitan ng ebolusyon ay hindi posible dahil sa kanilang paniniwala ng batas ng tumaas na entropiya. Ang pinagmulan at ebolusyon ng mga tao ang isang pinaka-tinututulan ng mga kreasyonista at ang mga fossil ng mga hominidae na natagpuan sa fossil record ay hindi itinuturing ng mga kreasyonista na ebidensiya ng speciation ng mga homo sapiens.[42]
Ayon sa mga siyentipiko, ang fossil record ay umaayon sa proseso ng ebolusyon. Posibleng malaman kung paanong ang isang partikular na grupo ng mga organismo ay nagebolb sa pamamagitan ng pagsasaayos ng pagkakasunod sunod ng mga fossil record sa kronolohikal na sekwensiya. Ayon kay Richard Dawkins, "kung may isang hippopotamus o kuneho na natagpuan sa panahong Cambrian, ito ay kumpletong tatalo sa ebolusyon. Walang ganito ang kailanman natagpuan sa fossil record.[43] Sa aklat na Principles of Biochemistry ng siyentipikong si Albert Lehninger, isinaad na ang kaayusang nalikha sa loob ng mga selula habang lumalago ang mga ito at naghahati ay nababalanse ng kawalang kaayusan na nalilikha ng mga ito sa kanilang mga kapaligiran sa paglipas ng paglago at dibisyon. Sa ibang salita, ang mga buhay na organismo ay nag-iingat ng kanilang panloob ng kaayusan sa pamamagitan ng pagkuha ng malayang enerhiya mula sa kanilang mga kapaligiran sa anyo ng mga nutriento o sikat ng araw at nagbabalik sa kanilang mga kapaligiran ng katumbas na halaga ng enerhiya bilang init at entropiya.[44] Ang pag-aangkin ng mga kreasyonista na ang ebolusyon ay lumalabag sa batas ng termodinamika ay batay sa maling pagkaunawa ng ikalawang batas ng termodinamika na nagsasaad na ang anumang hiwalay na sistema ay magpapataas ng kabuuang entropiya nito sa paglipas na panahon. Ang isang hiwalay na sistema ay inilalarawan na sistemang walang anumang input ng labas na enerhiya. Ang batas na ito ay lumalapat sa uniberso dahil isa itong hiwalay na sistema. Gayunpaman, dahil sa ang daigdig ay hindi isang hiwalay na sistema, ang kaayusan sa daigdig ay maaaring mangyari at magpalitaw ng mga komplikadong organismo basta may input ng enerhiya gaya ng liwanag ng araw. Ang proseso ng natural na seleksiyon na responsable sa gayong lokal na pagtaas ng kaayusan ay maaaring mahango ng matematikal mula sa ekspresyon ng ekwasyon ng ikalawang batas para sa magkaugnay na hindi-ekwilibrium na mga bukas na sistema.[45]
Heolohiya
Ang heolohiya ng malaking baha ay batay sa paniniwala na ang fossil record ay nabuo ng malaking baha sa kuwento ng Arko ni Noe na inilalarawan sa Aklat ng Genesis. Ang mga fossil at mga fossil fuel ay pinaniniwalaang nabuo mula sa materya ng halaman at haop na nalibing ng mabilis sa baha sa bibliya samantalang ang mga submarinong kanyon ay inaangking nabuo sa mabilis na paglisan mula sa mga kontinent sa wakas ng baha. Ang sedimentaryong strata ay inaangkin rin na inilatag sa panahon o pagkatapos ng baha ni Noe.[46]
Ayon sa mga siyentipiko, ang inaangkin ng mga kreasyonistang heolohiya ng baha ni Noe ay sinasalungat ng agham heolohikal dahil itinatakwil ng kreasyonismo ang mga prinsipyong heolohikal na unipormitarianismo at radiometric dating. Ayon sa mga siyentipiko, walang ebidensiya ng gayong baha ang napagmasdan sa mga naingatang patong ng bato at ang bahang sinasabi sa bibliya ay imposible dahil sa kasalukuyang mga masa ng lupain. Halimbawa, ang Bundok Everest ay tinatayang 8.8 kilometro sa elebasyon at ang area ng ibabaw ng mundo ng daigdig ay 510,065,600 km2. Ang bolyum ng tubig na kailangan upang takpan ang bundok Everest sa lalim na 15 cubits (6.8 m) gaya ng sinasabi sa Genesis 7:20 ay 4.6 bilyong kubikong kilometro. Ang mga pagsukat ng halaga ng presipitable na vapor ng tubig sa atmospero ay magbibigay ng mga resulta na nagpapakita na ang ang pagkokondensa ng lahat ng vapor ng tubig sa isang column ng atmoespero ay lilikha ng likidong tubig na may lalim na mula sero at tinatayang 70mm depende sa petsa at lokasyon ng column.[47]
Radiometric dating
Ang mga kreasyonista ay nag-angkin na ang mga eksperimentong kanilang isinagawa ay nagpapakita na ang 1.5 bilyong taon ng pagkabulok na nuklear ay nangyari sa loob ng isang maikling panahon na kanilang ipinagpapalagay na ang mga bilyong pagbilis ng pagkabulok na nuklear ay nangyari at ito ay isang paglabag sa prinsipyo na ang bilis ng pagkabulok na radioaktibo ay hindi nagbabago na isang prinsipyong pinagsasaligan ng pisikang nuklear sa pangkalahatan at radiometric dating.[48]
Ang mga siyentipiko ay nagturo sa napakaraming mga pagkakamali sa mga inaangking eksperimento ng kreasyonista. Ang katunayan, ang mga resulta ng mga eksperimento ng mga kreasyonista ay hindi tinanggap ng anumang peer-reviewed scientific journal. Ayon din sa mga siyentipiko, ang mga inaangking siyentipiko ng kreasyonismo ay walang kasanayan sa heokronolohiyang eksperimento.[49][50] Ang pagiging hindi mababago ng rate ng pagkabulok ng mga isotopo ay mahusay na sinusuportahan ng agham. Ang ebidensiya para sa pagiging hindi mababagong ito ay kinabibilangan ng pagtutugma sa mga tinatayang petsa na kinuha mula sa mga isotopong radioaktibo gayundin sa mga pagtutugma ng mga pamamaraang hindi radioaktibo gaya ng dendrokronolohiya, pagpepetsa ng ice core at mga historical record. Ang pagiging hindi mababago ng mga rate ng pagkabulok ay pinangangasiwaan rin ng mga unang prinsipyo ng quantum mechanics kung saan ang anumang paglihis sa rate ay mangangailangan ng isang pagbabago sa mga konstanteng pundamental. Ayon sa mga prinsipyong ito, ang isang pagbabago sa mga konstanteng pundamental ay hindi maaaring makaimpluwensiya sa mga iba't ibang elemento ng pantay pantay at ang isang paghahambing sa pagitan ng nagreresultang mga walang katulad n skala ng panahon pang kronolohiya ng bawat mga elemento ay magbibigay ng mga hindi magkakaayong tinatayang panahon.[51][52][53]}}
Mga radiohalo
Noong mga 1970, ang kreasyonistang si Robert Gentry ay nagmungkahi na ang mga radiohalo sa mga ilang granite ay kumakatawan sa ebidensiya para sa daigdig na agarang nalikha kesa sa dahan dahan. Ang ideyang ito ay binatikos ng mga pisiko at mga heologo sa maraming mga dahilan kabilang na ang mga batong pinag-aralan ni Gentry ay hindi primordial at ang mga radionuclide na pinag-aaralan ay hindi kailangang nasa mga bato sa simula. Sinalungat ng heologo at siyentipiko ng United States Department of Energy na si Thomas A. Baillieul ang mga pag-aangkin ni Gentry sa kanyang artikulo "Polonium Haloes" Refuted: A Review of "Radioactive Halos in a Radio-Chronological and Cosmological Perspective".[54] Ayon kay Baillieul, si Gentry ay isang pisiko na walang edukasyon sa heolohiya at si Gentry ay nagbigay ng maling representasyon ng kontekstong heolohikal kung saan ang mga specimen ay kinolekta. Ayon din Baillieul, si Gentry ay umasa sa pagsasaliksik mula sa simula ng ika-20 siglo bago ang mga radioisotope ay lubusang naunawsan. Ang pagpalagay ni Gentry na ang isotopong Polonium ay nagsanhi ng mga singsing ay isang haka haka. Mali ring isinaad ni Gentry na ang kalahting buhay ng mga radioaktibong elemento ay nagbabago sa panahon.
Astronomiya
Ang ilang mga pagtatangka ay ginawa ng mga kreasyonista upang lumikha ng isang kosmolohiya na umaayon sa batang uniberso na may edad sa pagitan ng 6,000 at 10,000 taon kesa sa pamantayang edad ng uniberso sa agham na 13.75 ± 0.11 bilyong taon. Ang pagtatangkang ito ng mga kreasyonistang batang mundo ay batay sa paniniwala na ang Aklat ng Genesis ay naglalarawan ng paglikha ng uniberso gayundin ng daigdig at sa literal na pagpapakahulugan ng mga henealohiya sa Aklat ng Genesis. Ang mga pagkakaiba sa mga kreasyonistang batang mundo ay umiiral kung ang mga henealohiya ay dapat unawain na kompleto o pinaikli at kaya ang ibinibigay ng mga ito na edad ng uniberso at mundo ay sa pagitan ng 6,000 at 10,000 taon. Ang mga henealohiya sa Genesis ay pinapakahulugan ng mga kreasyonistang matandang mundo na hindi kumpleto at ang Genesis 1 ay piguratibo bilang mga mahabang panahon. Ang pangunahing hamon sa mga kosmolohiya ng kreasyonimong batang mundo ay ang tinatanggap sa agham na ang mga distansiya sa uniberso ay nangangailangan ng mga bilyon bilyong mga taon upang ang liwanag ay maglakbay sa daigdig. Ito ang problemang ng liwanag ng bituin. Ayon sa isang kreasyonistang Barry Setterfield, ang bilis ng liwanag ay nabulok sa kasaysayan ng uniberso.[55] Ang argumento ni Setterfield ay nakasalalay sa orihinal na pagsukat ni Rømer na kanyang kinopya mula sa isyu ng Sky and Telescope. Ang halagang ito ay "301,300 plus o minus 200 km/s", mga 0.5% higit sa kasalukuyang halaga. Gayunpaman, ang artikulo ay aktuwal na isang bahagi mula sa The Astronomical Journal,[56] na kumpletong hindi umaayon at sumusulat na "ang mahusay na pagkakasya ay nangyayari sa sero kung saan ang panahon ng paglalakbay ng liwanag ay katulad ng kasalukuyang tinatanggap na halaga."[57] Sa kanyang pagsisiyasat, hindi rin isinama ni Setterfield ang isang bilang ng mga sikat na eksperimento na sumusukat sa bilis ng liwanag gayundin sa mga bilang ng pagsukat sa kanyang mga pinagbatayang eksperimento. Kapag ang mga puntong ito ay muling isinama sa hanay, walang maliwanag na pagkabulok. Ang isa pang kreasyonista na si Russell Humphreys ay nagmungkahi na ang uniberso ay lumawak mula sa isang puting butas na may edad na kulang sa 10,000 taon. Ang maliwanag na edad ng uniberso na bilyon bilyong taon ay kanyang inaangking nagresulta mula sa mga epektong relatibistiko sa panahon.[58] Ayon kay Alex Williams, ang mungkahi ni Humphreys ay nagmula sa pagdadagdag ng tatlong mga pagpapalagay sa mga ekwasyon ni Einstein na ang uniberso ay lumawak mula sa isang nakaraang mas siksik na estado, ang uniberso ay hinangganan sa espasyo at ang daigdig ay nasa o malapit sa sentro ng uniberso.[59][60] Ang unang pagpapalagay ay sinusuportahan ng kosmolohiyang big bang ngunit ang huling dalawa ay itinatakwil ng pamayanang siyentipiko.[61]
Ang mga mungkahing ito ng mga kreasyonista ay hindi umaayon sa kasalukuyang mga obserbasyon sa uniberso at kaya ay hindi tinatanggap ng mga siyentipiko.[62][63] Ang mga iminumungkahi ng mga kreasyonismong batang mundo(young earth creationism) ay binabatikos rin ng mga tagapagtaguyod ng kreasyonismong matandang mundo (old earth creationism) gaya ni Hugh Ross. Ipinagtanggol ni Ross ang nananaig na pananaw ng kosmolohiya ng mga siyentipiko laban sa mga pag-atake ng mga kreasyonistang naniniwala sa batang uniberso o batang mundo.[64]
Planetolohiya
Ang mga kreasyonista ay nag-aangkin na ang edad ng sistemang solar ay mga libo libong taon lamang na salungat sa tinatanggap ng mga siyentipiko na edad nito na 4.6 bilyong taon.[65] Inaangkin ng mga kreasyonista na ang bilang ng mga kometa sa sistemang solar ay mas mataas kesa sa inaasahan dahil sa pinagpapalagay na edad nito. Ang mga kreasyonista ay hindi naniniwala sa pag-iral ng Kuiper belt at Oort cloud.[66][67] Ang mga kreasyonista ay nag-aangkin rin na ang resesyon ng buwan mula sa daigdig ay hindi umaayon sa buwan o daigdig na mga bilyong taong gulang.[68] Ang mga pang-aangking ito ay sinalungat at pinabulaanan ng mga siyentipiko.[69][70]
Ang nagpapatuloy ng problema para sa mga kreasyonista ang pag-iral ng mga krater ng pagbangga sa halos lahat ng mga bagay sa sistemang solar na umaayon sa mga paliwanag na siyentipiko ng pinagmulan ng sistemang solar.[71] Ang mga kreasyonistang sina Harold Slusher at Richard Mandock, kasama ni Glenn Morton (na kalaunang tumakwil ng pag-aangking ito [72]) ay nag-aangkin na ang mga krater ng pagbangga sa buwan ay sumailalim na daloy ng bato,[73] at kaya ay hindi maaaring higit sa ilang mga libong taon ang edad.[74] Ang ilang mga kreasyonista ay nag-aangkin rin na ang mga iba't ibang yugto ng pagbabangga ng meteorite sa sistemang solar ay nangyari sa linggo ng paglikha at sa baha ni Noe, ang iba ay tumuturing ritong hindi sinusuportahan ng mga ebidensiya.[75][76]
Mga sanggunian
Mga tala hinggil sa terminolohiya
Wikiwand in your browser!
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.