Ang Ghost Fighter o YuYu Hakusho (Hapones: 幽☆遊☆白書, Baybay Romano: YūYū Hakusho, literal na kahulugan ay "Mga Ulat ng Kaluluwa" o sa Ingles ay "Ghost Files" o "Poltergeist Report")[1] ay isang seryeng manga[2] at anime na isinulat at iginuhit ni Yoshihiro Togashi. Sa Ingles na distribusyon at prangkisa, binabaybay ang pamagat ng serye bilang Yu Yu Hakusho samantalang sa Viz Media, binabaybay ito bilang YuYu Hakusho. Sa Pilipinas, nakilala ang palabas na hango sa nasabing manga bilang Ghost Fighter.
YuYu Hakusho Yū Yū Hakusho | |
幽☆遊☆白書 | |
---|---|
Dyanra | Sining pandigma, Pantasyang Bangsia |
Manga | |
Kuwento | Yoshihiro Togashi |
Naglathala | Shueisha |
Magasin | Weekly Shōnen Jump |
Demograpiko | Shōnen |
Takbo | Disyembre 1990 – Hulyo 1994 |
Bolyum | 19 |
Teleseryeng anime | |
Direktor | Akiyuki Arafusa Noriyuki Abe |
Iskrip | Yukiyoshi Ōhashi |
Estudyo | Studio Pierrot |
Inere sa | Fuji Television, Animax |
Original video animation | |
Eizō Hakusho | |
Direktor | Noriyuki Abe |
Estudyo | Studio Pierrot |
Inilabas noong | 21 Setyembre 1994 – 5 Oktubre 1994 |
Haba | 27 minuto (bawat isa) |
Bilang | 2 |
Original video animation | |
Eizō Hakusho II | |
Direktor | Noriyuki Abe |
Estudyo | Studio Pierrot |
Inilabas noong | 16 Disyembre 1995 – 7 Pebrero 1996 |
Haba | 23 minutes (each) |
Bilang | 4 |
Related works | |
* YuYu Hakusho: The Movie
|
Kuwento ito ni Yusuke Urameshi (Hapones: 浦飯 幽助 Urameshi Yūsuke) (Eugene sa bersiyong Tagalog), isang pabayang kabataang nasagasaan ng kotse at namatay habang sinasagip ang buhay ng isang bata. Pagkatapos ng ilang mga pagsubok na ibinigay sa kanya ni Koenma (Jericho), ang anak ng hari ng Kabilang Daigdig, binuhay siya at itinalaga bilang Detektib ng Kabilang Daigdig, na magsisiyasat sa iba't ibang mga kasong kinasasangkutan ng mga demonyo at espiritu sa mundo ng mga tao. Higit na itinuon ng manga ang kuwento sa mga torneo ng sining panlaban (martial arts tournaments) habang umuusad ang serye. Sinimulang likhain ni Togashi ang YuYu Hakusho noong Nobyembre 1990, na nakabatay sa kanyang mga interes sa mga pelikulang katatakutan at mga kaluluwa, at sa impluwensiya ng mitolohiyang Budismo.
Orihinal na inilimbag bilang serye ang manga sa Weekly Shōnen Jump mula Disyembre 1990 hanggang Hulyo 1994. Binubuo ang serye ng 175 kabanata na magkakasama sa 19 na tomo (volume). Sa Hilagang Amerika, kumpletong inilimbag ang manga sa Shonen Jump mula Enero 2003 hanggang Enero 2010. Isang anime na binubuo ng 112 kabanata ang isinagawa sa direksyon ni Noriyuki Abe at ipinrodyus katuwang ang Fuji Television, Yomiko Advertising, at Studio Pierrot. Ang seryeng pantelebisyon ay orihinal na isinahimpapawid sa Fuji TV Network ng bansang Hapon mula 10 Oktubre 1992 hanggang 7 Enero 1995. Kinalauna'y binigyang-lisensiya ito sa Hilagang Amerika ng Funimation Entertainment noong 2001, kung saa'y isinahimpapawid ito sa popular na bahagi ng Cartoon Network kabilang ang Adult Swim at Toonami. Ipinalabas ang seryeng pantelebisyon sa iba't ibang bahagi ng daigdig, kabilang ang Pilipinas kung saan ipinakilala ito sa pamagat na Ghost Fighter. Nakapaglabas ang prangkisa ng YuYu Hakusho ng dalawang pelikulang anime, isang serye ng mga original video animation (OVA), mga audio album, mga larong-bidyo, at iba pang kalakal.
Mainit na tinanggap ang YuYu Hakusho, kung saan nakapagbenta ang manga ng mahigit 50 milyong kopya sa bansang Hapon pa lamang, at nagwagi ng prestihiyosong Shogakukan Manga Award para sa shōnen manga noong 1993. Ang seryeng pantelebisyon naman nito'y nagwagi ng gantimpalang Animage Anime Grand Prix para sa pinakamahusay na anime sa taong 1994 at 1995. Pinanood ang YuYu Hakusho ng malaking bahagi ng mga manonood ng telebisyon sa bansang Hapon at napakalawak na bahagdan ng mga taong nasa iba't ibang edad sa Estados Unidos. Binigyan ang anime ng maraming positibong pagsusuri ng mga kritiko sa Hilagang Amerika, na pumupuri sa pagkakasulat ng kuwento, sa mga tauhan, at sa dami ng aksiyon nito. Bagama't may ilang kritikong nagsasabing masyadong paulit-ulit ang nasabing serye.
Buod
Nakapanaklong ang pangalan ng mga tauhang ginamit sa bersiyong Tagalog ng palabas para sa madaling pag-unawa.
Isinasalaysay ng YuYu Hakusho ang kuwento ni Yusuke Urameshi (Eugene), isang kabataang mahilig sa basag-ulo kung saan, sa isang di-inaasahang pangyayari, ay natamaan ng sasakyan at pumanaw sa pagtatangkang iligtas ang isang bata sa pamamagitan ng pagtulak niya rito. Sa kanyang kamatayan, siya ay naging kaluluwa at binati ni Botan (Charlene), isang babaeng nagpakilala bilang tagasundo ng mga kaluluwa patungo sa Espirituwal na Mundo o Kabilang Daigdig (霊界 Reikai), kung saan hinahatulan ang mga namatay na. Ipinaalam ni Botan kay Yusuke na nasorpresa ang Kabilang Daigdig sa ginawa niyang pagliligtas sa bata, at wala pang lugar na inilaan sa kanya sa langit o sa impiyerno. Dahil dito, binigyan siya ng pagkakataon ni Koenma (Jericho), ang anak ni Haring Enma ng Kabilang Daigdig, na makabalik sa katawang-lupa nito sa pamamagitan ng mga pagsubok. Nagtagumpay si Yusuke dahil sa tulong ng kanyang mga kaibigang sina Keiko Yukimura (Jenny) at Kazuma Kuwabara (Alfred). Matapos mabuhay muli, ipinagkaloob ni Koenma kay Yusuke ang titulong "Detektib ng Kabilang Daigdig" (霊界探偵 Reikai Tantei, literal na kahuluga'y "Detektib ng Espirituwal na Mundo), at inatasan siyang magsiyasat ng mga di-pangkaraniwang pangyayari sa Mundo ng mga Tao (人間界 Ningen Kai).
Agad na naatasan si Yusuke na isagawa ang pagbawi sa tatlong kayamanang ninakaw mula sa Kabilang Daigdig ng tatlong mga demonyo: sina Hiei (Vincent), Kurama (Dennis), at Goki (Jerry). Nakuha ni Yusuke ang tatlong kayamanan gamit ang kanyang bagong kakayahan, ang Rei Gun, isang enerhiyang espirituwal (霊気 Reiki) na naiipon mula sa kanyang hintuturo.
Matapos nito'y naglakbay siya sa kabundukan upang hanapin ang matandang babaeng batikan sa mga sining panlaban (martial arts) na si Genkai (Master Jeremiah). Katuwang ang kanyang karibal na si Kuwabara, sumali sa torneo si Yusuke na inorganisa ni Genkai upang hanapin nito ang kanyang magiging tagapagmana ng kapangyarihan. Ginamit ni Yusuke ang paligsahan upang mahanap niya si Rando (Benjo), isang demonyong nagnanakaw ng mga kakayahan at pumapatay sa mga batikan sa sining panlaban. Nagapi ni Yusuke si Rando sa huling bahagi ng paligsahan, at siya'y sinanay ni Genkai sa loob ng anim na buwan upang mapaghusay niya ang kanyang kakayahan.
Ipinadala si Yusuke sa Kastilyong Maze sa Mundo ng Masasamang Espiritu (魔界 Makai, lit. na kahulugan "Daigdig ng mga Demonyo"), isang ikatlong mundong sakop lamang ng mga demonyo, kung saan tinulungan si Yusuke nina Kuwabara at nagbagong-buhay na sina Kurama at Hiei upang talunin ang Apat na Halimaw, mga demonyong nagtatangkang takutin si Koenma na alisin ang harang na naghihiwalay sa kanila mula sa mundo ng mga tao.
Isang panibagong misyon ang sumunod na trabaho ni Yusuke, kung saan kinakailangan niyang iligtas si Yukina (Mikaela), ang diyosa ng niyebe kung saan nagiging perlas ang kanyang mga luha. Dahil sa ganitong kakayahan ni Yukina ay binihag siya ni Gonzo Tarukane (Don Paquito), isang mayamang negosyante at miyembro ng samahan ng mga nagpupustahan. Sa kanyang misyon kasama si Kuwabara, nakatagpo nila ang magkapatid na Toguro (Taguro), at tinalo nila ang mga ito sa laban. Nailigtas si Yukina sa tulong ni Hiei, na lingid sa kaalaman ni Yukina ay kanyang nakatatandang kapatid.
Isang kunwaring pagkatalo lamang ang nangyari sa magkapatid na Toguro, at dahil dito, inanyayahan ng nakababatang Toguro si Yusuke sa Paligsahan ng mga Masasamang Espiritu (暗黒武術会 Ankoku Bujutsukai, lit. na kahuluga'y "Samahan ng Sining Panlaban ng Kadiliman"), isang paligsahang isinagawa ng mga tiwali at mayayamang mga tao kung saan naglalaban-laban ang mga koponan ng mga demonyo, at kung minsa'y mga tao, upang magkaroon ng pagkakataong matupad ang kanilang hiling. Ang Koponang Urameshi, na binubuo nina Yusuke Kuwabara, Kurama, Hiei, at ang nakamaskarang si Genkai, ay lumahok at hinarap ang maraming laban upang makaharap ang Koponang Toguro sa huling bahagi ng paligsahan at napagwagian ang torneo. Napag-alaman nila na ang may-ari ng Koponang Toguro, si Sakyo (Mr. Valdez) ay nagnanais manalo upang makagawa siya ng malaking butas na magdurugtong sa Mundo ng mga Tao at Mundo ng mga Masasamang Espiritu. Sa kanyang pagkatalo, sinira ni Sakyo ang pinagdausan ng laban, at siya'y nagpakamatay.
Matapos ang paligsahan, umuwi na si Yusuke, subalit sandali lamang ang kanyang pagpapahinga dahil siya ay hinamon sa isang laban ng tatlong kabataang nagtataglay ng mga di-pangkaraniwang kapangyarihan; dahil dito'y nabihag nila si Yusuke. Tinangka siyang iligtas nina Kuwabara at ng iba pa, at napag-alaman nilang ito ay isa lamang pagsubok na inihanda ni Genkai. Ipinaalam sa kanila na si Shinobu Sensui, ang dating detektib ng kabilang daigdig, ay nangalap ng anim na iba pang taong mayroon ding di-pangkaraniwang lakas upang tulungan siyang tapusin ang sinimulan ni Sakyo, ang pagbukas ng butas para sa mga masasamang espiritu upang ubusin ang mga tao. Hinarap nina Yusuke at kanyang mga kaibigan isa-isa ang mga tauhan ni Sensui, hanggang sa umabot ang laban sa pagitan ng dalawang detektib. Napatay ni Sensui si Yusuke, at pumasok sa dimensiyong patungo sa Mundo ng mga Masasamang Espiritu. Muling nabuhay si Yusuke bilang isang kalahating demonyo, at natuklasan niyang ipinasa sa kanya ng mga ninuno nito ang isang uri ng gene o punla sa katawan ng tao kung saan magigising lamang ito kapag ang taong nagtaglay nito'y may sapat na lakas, kung saan lilitaw ang katangiang demonyo nito. Naglakbay si Yusuke sa Mundo ng mga Masasamang Espiritu, at natalo niya si Sensui sa tulong ng espiritu ng kanyang ninuno na kumontrol sa katawan ni Yusuke upang tapusin ang laban.
Sa kanilang pagbabalik sa mundo ng mga tao, inalis si Yusuke sa pagiging detektib, at iniutos ni Haring Enma na hulihin siya at patayin sa takot na ang dugong nananalaytay kay Yusuke ay maging dahilan upang siya'y magwala at magdulot ng kaguluhan sa mundo ng mga tao. Samantala, dahil hindi matanggap ni Yusuke na kinontrol siya ng kanyang ninunong si Raizen, pumayag siyang tanggapin ang alok ng mga tagasunod ni Raizen na bumalik sa Mundo ng mga Masasamang Espiritu. Si Raizen, na nagnanais maghanap ng tagapagmana ng kanyang nasasakupan, ay nasa bingit na ng kamatayan dahil sa hindi nito pagkain ng tao — isang kamatayang magpapawala ng maselang balanse sa pagitan ng tatlong namamayaning pinuno sa Mundo ng mga Masasamang Espiritu. Ipinatawag sina Hiei at Kurama ng dalawang iba pang pinuno, sina Mukuro at Yomi, upang maghanda para sa di-mapipigilang digmaan. Ang tatlong pangunahing tauhan ay nagsanay sa nasabing Mundo sa loob ng isang taon, kung saan sa panahong iyon namatay si Raizen at minana ni Yusuke ang teritoryo. Pinangunahan ni Yusuke ang pakikipag-usap sa dalawang pinuno at nagpanukala ng isang paligsahan upang pangalanan ang tunay na pinuno ng Mundo ng mga Masasamang Espiritu, na sinang-ayunan naman nina Mukuro at Yomi. Sa nasabing torneo, nagharap sina Yusuke at Yomi sa ikalawang bahagi ng paligsahan kung saan nagapi si Yusuke at napabagsak nang walang malay. Nagising si Yusuke makalipas ang ilang araw at napag-alamang tapos na ang paligsahan, at magkakaroon muli ng katulad na kompetisyon tuwing ikatlong taon upang malaman kung sino ang magiging pinuno ng Mundo ng mga Masasamang Espiritu. Nanatili pa si Yusuke ng dalawang taon sa nasabing Mundo, at makalipas nito'y bumalik sa Mundo ng mga Tao upang makasama si Keiko.
Mga Tauhan
Yusuke Urameshi (Eugene) - Si Yusuke (Eugene) ang pangunahing tauhan sa manga at anime na Yu yu Hakusho (Ghost Fighter). Malapit na kaibigan niya si Kuwabara (Alfred), Kurama (Dennis) at Hiei (Vincent). Ang kanyang guro na si Genkai (Jeremiah)ang nagturo sa kanya kung papaano lumaban na lubos na nagpalakas sa kanya upang matapos ang mga misyon na ipinapagawa ni Koenma (Jericho). Siya ang maituturing na pinakamalakas sa apat at naturingan na leader ng Kupunan ng mga Tao sa paligsahan ng masasamang espiritu. Lugod sa kaalaman ni Eugene, siya ay isa ring kalahating tao katulad ni Vincent at ni Dennis. Kung saan siya ang naging tagapagmana at naging hari sa mundo ng mga masasamang espiritu sa kaharian ni Raizen. Kilala si Eugene sa paggamit ng Ray Gun na kanyang ginamit upang matalo ang lahat ng kanyang mga kalaban.
Kazuma Kuwabara (Alfred) - Si Kuwabara, na mas kilala sa pangalan na Alfred sa Pilipinas ay matalik na kaibigan ni Eugene sa anime na Ghost Fighter. Bago sila magkakilala ni Eugene, silang dalawa ay mortal na magkaaway ngunit sa di inaasahang pangyayari ng namatay si Eugene sa unang kabanata ng anime ay napaglapit silang dalawa. Dito ay napagalaman na si Alfred ay hindi naman talaga tinuturing na kaaway si Eugene. Datapwat tinuturing lamang niya itong Karibal. Isa sa pinakakilalang teknik na ginagamit ni Alfred ay ang Spiritwal na Espada na kung saan ginagawa nyang purong enerhiya ang kanyang spiritwal na lakas.
Yoko Kurama (Dennis) - Si Dennis ang isa sa mga pinakatangitangi na karakter sa anime dahil sa bukod na malakas na spiritwal na kapangyarihan siya rin ang pinaka matalinong miyembro sa kupunan ni Eugene. Si Dennis ay may dalawang katauhan, kung siya ay sa mundo ng mga tao siya ay tinatawag na Shuichi Minamino at Dennis naman sa kanilang samahan. Siya rin ay may katangian kung saan ang kanyang itsura ay nagbabago sa anyong lobo at kabalikat nito ay ang pagtaas ng spiritwal niyang lakas at paggamit ng mga teknik na nagagamit lamang niya sa anyong lobo. Dahil rin dito, mas nagiging mapusok siya at mas malupit sa kanyang mga kalaban. Madalas niyang ginagamit ang teknik na rose whip na parang tangkay ng rosas na ginawang latigo ngunit ito ay may lakas at tibay na mas malakas pa sa isang bakal. Napag alaman din sa anime na si Dennis ay namuhay na isang magnanakaw sa mundo ng masasamang espiritu na kung saan ay nakasama nya si Yomi sa kanyang pagnakaw ng mga kayamanan.
Jaganshi Hiei (Vincent) - Si Vincent ang pinakamaliit at panghuling miyembro na bumubuo sa mga pangunahing tauhan ng Ghost Fighter. Bagama't maliit, matuturing na malakas at walang kinatatakutan si Vincent. Pinakita sa anime na siya ang tipong nangangahas makipaglaban sa pinakamalakas na miyembro ng kalaban. Siya ay nakasuot na purong itim at may puting bandana na kung saan tinatago niya ang kanyang pangatlong mata. Sa grupo ni Eugene, siya ang pinakatahimik at pinaka mapusok ngunit mataas ang respeto niya kay Eugene at sa iba pa niyang kasamahan. Siya rin ay may kakambal na babae na ang pangalan ay Mikaela (Yukina) ngunit linilihim niya ito sa kanya. Isa sa pinaka kilalang teknik na ginagamit ni Vincent ay ang Black Dragon Spirit na kung saan binubuksan nya ang kanyang pangatlong mata upang magamit at mapalabas ang maitim na apoy. Siya rin ay isa sa pinakamabilis gumalaw at napagkakamalan na kaya niyang mag teleport ngunit sa lingid na kaalaman nila ay maliksi lamang gumalaw sa Vincent.
Keiko Yukimura (Jenny)- Si Jenny ay kaibigan at kaklase ni Yusuke Urameshi sa pagkabata. Kilala niya si Yusuke Urameshi ng maraming taon at kumikilos bilang isang disiplina na tao, na madalas na sinusubukan siyang dumalo sa kanyang mga klase at kumilos, kahit na karaniwang hindi ito nagagawa. Sinusubukan ni Yusuke na itago ang kanyang trabaho bilang espiritu ng tiktik mula kay Keiko Yukimura, kahit na nalaman niya ito. Nag-aalala si Keiko tungkol kay Yusuke Urameshi ngunit alam na mas masaya siyang nakikipaglaban sa mga demonyo kaysa sa pagkakaroon ng isang normal na buhay sa paaralan. Nang umalis si Yusuke para sa Demon Plane ay nangangako siyang babalik at mag-propose sa kanya.
Sa pagtatapos ng serye, papasok si Keiko sa kolehiyo upang maging isang guro.
Boses: Yuri Amano (Haponesa) at (Rose Barin) Tagalog ng Fushigi Yūgi.
Mga sanggunian
Mga kawing panlabas
Wikiwand in your browser!
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.