Ang hatirang pangmadla [a] o sosyal medya (Ingles: social media) ay ang tawag sa mga interaktibong teknolohiya na nagsisilbing tagapamagitan sa pagpapalitan, pamamahagi, at paglilikha ng mga impormasyon, kaisipan, interes, at iba pang uri ng mga pahayag sa mundong digital, sa pamamagitan ng mga birtwal na pamayanan at network.[3][4] Bagamat may mga pagtatalo sa pagpapakahulugan nito dahil na rin sa lawak at saklaw ng mga kasalukuyang hatirang pangmadla sa Internet, may mga magkakapareho itong mga katangian:[4]

  1. Mga interaktibong aplikasyong nakabatay sa Internet na Web 2.0 ang mga hatirang pangmadla.[4][5]
  2. Mahalaga sa mga ito ang mga pinapasok na nilalaman ng mga tagagamit nito — tulad ng mga paskil o post, teksto, at komento, gayundin ng mga larawan o bidyo, pati na rin ang mga datos na nabuo sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba online.[4][5]
  3. Gumagawa ng isang profile ang bawat tagagamit nito na dinisenyo at pinapanatili ng mga organisasyong gumawa nito.[4][6]
  4. Pinadadali ng mga hatirang pangmadla ang pagbubuo ng mga online na social network sa pamamagitan ng pag-uugnay ng profile ng isang tagagamit sa ibang mga profile ng mga indibidwal o pangkat.[4][6]
Thumb
Mga halimbawa ng hatirang pangmadla. Mula kaliwa pakanan, taas pababa: Facebook, Instagram, Twitter, Reddit, WhatsApp, YouTube, at Google Plus.

Para magamit ang mga ito, madalas pumupunta ang mga tagagamit sa web-based na app sa mga desktop at laptop, o di kaya'y nagda-download ng mga serbisyo na nagbibigay ng kakayahan sa kanila na magamit ito sa mga kanilang mobile device tulad ng smartphone at tablet. Habang gumagamit ang mga tagagamit ng ganitong mga serbisyong elektronika, lumilikha sila ng napaka-interaktibong mga plataporma kung saan ang mga indibidwal, pamayanan, o organisasyon ay maaring mamahagi, mag-co-create, mag-usap, makilahok, at magbago ng mga nilalamang binuo ng mga tagagamit o sariling-ayos na mga nilalamang ipinaskil online.[3] Bilang karagdagan, ginagamit ang hatirang pangmadla upang itala ang mga alaala; makatuto at siyasatin ang mga bagay-bagay; ianunsiyo ang sarili; at makabuo ng mga pagkakaibigan kasabay ng pag-unlad ng mga kaisipan mula sa paglikha ng mga blog, podcast, bidyo, at gaming site.[7] Ang nagbabagong ugnayan sa pagitan ng tao at teknolohiya ay ang sentro ng umuusbong na larangan ng mga pag-aaral na teknohumano [en].

Ilan sa tanyag na hatirang pangmadla na mga websayt na may higit sa 100 milyong nakarehistrong mga tagagamit ay Facebook (at ang kaugnay nitong Facebook Messenger), TikTok, WeChat, Instagram, QZone, Weibo, Twitter, Tumblr, Baidu Tieba, at LinkedIn. Depende sa pagkahulugan, ang ibang kilalang mga plataporma na minsang tinukoy bilang mga serbisyong hatirang pangmadla ay YouTube, QQ, Quora, Telegram, WhatsApp, LINE, Snapchat, Pinterest, Viber, Reddit, Discord, VK, Microsoft Teams, at marami pa. Ang mga Wiki ay halimbawa ng kolaboratibong paglikha ng mga nilalaman.

Naiiba ang mga outlet ng hatirang pangmadla sa nakagisnang midya (tulad ng nakaimprentang mga magasin at pahayagan, at pagsasahimpapawid ng telebisyon at radyo) sa maraming paraan, tulad ng kalidad,[8] abot o saklaw, dalas, utilidad, kakagyatan, at pagkapermanente.[9] Bukod dito, gumagana ang mga outlet ng hatirang pangmadla sa isang diyalohikong sistema ng transmisyon (iyan ay, mula sa maraming mga tagapag-imporma patungo sa maraming mga tagatanggap), samantalang gumagana ang mga outlet ng nakagisnang midya sa monolohiko na modelo ng transmisyon (isang pinagmumulan patungo sa maraming mga tagatanggap). Halimbawa, dinadala ang isang pahayagan sa maraming mga suskriptor at ang isang himpilan ng radyo ay nagsasahimpapawid ng parehong mga palatuntunan sa isang buong lungsod.[10]

Maraming mga indibidwal ang nakakapansin sa malawak na saklaw ng mga positibo at negatibong epekto ng paggamit ng social media. Maaari itong makatulong upang mapabuti ang koneksyon ng isang indibidwal sa mga tunay o online na komunidad at maaaring maging isang epektibong kagamitan para sa komunikasyon (o marketing) ng mga korporasyon, negosyante, organisasyon, mga grupo ng adbokasiya, mga partidong pampulitika, at pamahalaan. Nakikita rin nila ang pagkakaroon ng pagtaas sa mga kilusang pakikibaka at panlipunan gamit ang social media bilang isang kasangkapan para sa pakikipag-usap at pag-oorganisa sa tuwing may mga kaguluhan sa pulitika at lipunan.

Tingnan din

Talababa

  1. Ginamit sa isang batayang aklat gayundin sa opisyal na Gabay Pangkurikulum na inilabas ng Kagawaran ng Edukasyon para sa ikasampung baitang noong 2019.[1][2]

Mga sanggunian

Mga karagdagang babasahin

Mga kawing panlabas

Wikiwand in your browser!

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.

Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.