Pangkalahatang Kalendaryong Romano
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Pangkalahatang Kalendaryo ng Roma ay ang kasalukuyang kalendaryo ng mga banal na pagdiriwang ng mga Santo at mga yugto sa buhay ng ating Panginoong Hesukristo sa Rito Romano ng Simbahang Katolika. Ang mga naturang pista ay may takdang araw, o di kaya'y naililipat na araw (hal. Pista ng Pagbibinyag sa Panginoong Hesukristo, Pista ng Kristong Hari); maaari ring may kaugnayan ito sa takdang kapistahan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Tulad sa mga kalendaryo ng nakatatandang uso ng Rito Romano, may mga pambansa o pang-diyosesis na kalendaryo kung saan matatagpuan ang karagdagang mga pagdiriwang ng mga Banal o mga yugto sa buhay ni Hesus na maaaring wala sa Pangkalahatang Kalendaryo.
Nahahati sa tatlong antas ang mga pista: Paggunita (o di kaya'y Malalaktawang Paggunita), Kapistahan, o Dakilang Kapistahan. Isa sa mga pagkakaiba rito ay inaawit ang Gloria tuwing Kapistahan subalit hindi naman sa isang Paggunita; naidaragdag ang Sumasampalataya Ako sa mga Dakilang Kapistahan.
Ang huling rebisyon sa Pangkalahatang Kalendaryo ng Roma ay noong taong 1969 sa bisa ng Sulat ng Papa "Buhat sa Kaniyang Pagkukusa" (motu proprio) na pinamagatang Ang Ginawang Pagtubos ni Kristo (Mysterii Paschalis) ni Papa Pablo VI. Ang naturang kalatas at kausutusan ay kasama sa aklat na Calendarium Romanum na inilimbag noong taong din iyon ng Santa Sede. Nilalaman din nito ang mga Pangkalahatang Patakaran Ukol sa Taon ng Liturhiya at Taon ng Kalendaryo, at ang mga pagdiriwang sa bagong kalendaryo. Kabilang na ang mga ito sa bagong Aklat ng Pagmimisa sa Roma. Ang naturang aklat ay may kaukulang komentaryo sa mga naging rebisyon ng naturang kalendaryo.
Sa paglipas ng panahon, naidagdag sa naturang kalendaryo ang mga bagong-hayag na mga Banal.
Ang nilalaman ng Pangkalahatang Kalendaryo ng Roma at ang mga ngalan nito sa wikang Tagalog ay isinama rito, yayamang ito ang kinasihan na salin ng Kalipunan ng mga Obispo sa Pilipinas at ng Santa Sede noong 1981.