Pagdadalantao
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang pagdadalangtao[1] o pagbubuntis[1] (Ingles: pregnancy; Latin: graviditas) ay ang pagdadala ng isa o higit pang mga supling, na tinatawag na fetus o embryo, sa loob ng bahay-bata[2] (utero[2]) ng isang taong babae. Sa isang pagbubuntis, maaaring magkaroon ng maramihang pagkabuntis[3] (gestation[3]), katulad sa kaso ng mga kambal o tatluhan. Ang pagdadalangtao – ang pagbubuntis ng tao – ang may pinakamaraming pag-aaral na isinagawa sa lahat ng mga pagbubuntis ng mga mamalya. Obstetriks[4] (obstetrics[4]) ang tawag sa larangan ng panggagamot na nag-aaral at nangangalaga sa mga pasyenteng buntis; at obstetrisyan[5] (obstetrician[5]) ang taguri sa mga manggagamot na dalubhasa sa pagpapaanak ng babaeng tao. Sa medisina, tinatawag na primipara ang isang babaeng nagdadalangtao sa unang pagkakataon.[6]
- Hinggil ito sa pagbubuntis ng babaeng tao, para sa ibang gamit tingnan ang pagbubuntis (paglilinaw).
Nagaganap ang panganganak[7] (childbirth[7]) mga 38 linggo matapos pertilisahan[8] ng tamod ng lalaki ang itlog ng babae – isang prosesong tinatawag na pagpupunlay o pertilisisasyon[9] (mula sa Ingles na fertilization[9] at Kastilang fertilizacion[10]) - na humigit-kumulang sa 40 linggo mula sa simula ng huling sapanahon[11] (o regla[11]). Samakatuwid, tumatagal ang pagdadalangtao ng mga siyam na buwan. Tinatawag na tagumanak[12], kagampan[12], o kaanakan[12] ang huling yugto ng pagbubuntis, ang panahon bago manganak ang isang buntis na babae.