Talaan ng mga lungsod at bayan sa California
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ito ang talaan ng mga lungsod at bayan sa California. Naglalaman ito ng mga lungsod at bayan na nasa estado ng California sa Estados Unidos, na nahahati sa 58 kondado (county) at 482 mga munisipalidad. Isa sa mga lungsod nito, ang lungsod ng San Francisco, ay itinuturing na isang lungsod-kondadong pinagsanib (consolidated city-county). Pakatandaan na walang binigay na pagkakaiba ang batas ng California patungkol sa kung ano ang isang city (lungsod) at town (bayan), at maaaring gamitin ng mga munisipalidad ang alinman sa dalawang termino sa opisyal nilang pangalan.[1]
Isang estadong matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Estados Unidos ang California. Ito ang pinakamataong estado sa bansa, na may 37,253,956 katao ayon sa sensong isinagawa noong 2010. Sa lawak na 155,779.22 milya kuwadrado (403,466.3 km2), ito ang ikatlong pinakamalaking estado ayon sa kabuuang lawak; mas malaki lamang ang mga estado ng Alaska at Texas.[2]
Ayon sa sensong ginawa noong 2010, halos 83% ng populasyon ng estado ang nakatira sa mga urbanisadong lugar. Ang Sacramento ang unang nainkorporadang munisipalidad; ito ay inikorporada noong ika-27 ng Pebrero 1850, habang pinakabago naman ang Jurupa Valley na inikorporada noon lamang ika-1 ng Hulyo 2011. Bago sumali sa unyon ang California noong ika-9 ng Setyembre 1850, may walo na'ng lungsod ang nainkorporada.[3] Ang lungsod ng Los Angeles, na may kabuuang populasyon na 3,792,621 at lawak na 468.67 milya kuwadrado (1,213.8 km2), ay ang munisipalidad na may pinakamalaking populasyon at pinakamalawak na sakop. Ang pinakamaliit naman batay sa populasyon ay ang Vernon na may 112 katao, habang ang Amador City naman ang pinakamaliit batay sa lawak, na may kabuuang lawak lamang na 0.31 milya kuwadrado (0.80 km2).[2]