Prehistorya
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang prehistorya (mula Kastila prehistoria) ay ang yugto sa kasaysayan ng sangkatauhan mula sa paggamit ng mga bato bilang kagamitan hanggang sa pag-imbento ng sistema ng pagsulat. Matagal na'ng laganap ang paggamit ng mga tao ng mga simbolo, marka, at larawan, ngunit nabuo lamang ang mga pinakaunang sistema ng pagsulat bandang 5,300 taon na ang nakalilipas. Inabot ng libo-libong taon bago tuluyang lumaganap ang pagsulat sa maraming parte ng mundo. Gayunpaman, hindi pantay ang paglaganap nito; may mga kultura ng tao na di nakagawa ng sistema ng pagsulat hanggang nito lang. Dahil rito, iba-iba ang "dulo" ng prehistorya ng iba't ibang panig ng mundo.
Unang nakagawa ng sistema ng pagsulat at nakapagtabi ng kaukulang tala sa kasaysayan ang kabihasnang Sumer sa Mesopotamia, kabihasnan ng Lambak Indus sa India, at ang sinaunang Ehipto noong maagang Panahon ng Tanso. Sinundan sila ng mga kalapit nilang kabihasnan. Maraming sa mga kabihasnang ito ang nakatapos sa prehistorya nila noong Panahon ng Bakal.
Hinahati ang prehistorikong kasaysayan sa tatlong panahon: Panahon ng Bato, Panahon ng Tanso, at Panahon ng Bakal. Gayunpaman, ginagamit madalas ang sistemang ito para sa malaking bahagi ng Eurasya at Hilagang Aprika. Ang mga paggamit ng mga matitigas na metál ng mga kabihasnan sa labas ng mga rehiyong ito ay madalang, at lumaganap lamang ito noong nakasalamuha nila ang mga kulturang galing sa Europa ilang libong taon pagkatapos, tulad ng mga nangyari sa Oseaniya, Awstralyasya, karamihan sa mga lugar sa timog ng Sahara sa Aprika, at ilang parte ng Kaamerikahan. Maliban lamang sa mga kabihasnang pre-Columbus, hindi nakagawa ng isang komplikadong paraan ng pagsulat ang mga lugar na ito bago dumating ang mga Europeo sa kanilang lupain. Kaya naman, ang kanilang kasaysayang prehistoriko ay nangyari nito lang. Halimbawa, itinuturing na ang taóng 1788 ay ang dulo ng kasaysayang prehistoriko sa Awstralya.
Tinatawag namang protohistorya ang kasaysayang isinulat ng iba para sa isang kabihasnan na wala pang nagagawang paraan ng pagsulat. Base sa kahulugan nito, walang nakasulat na talâ na makikita mula rito, kaya naman puro pagtataya at estimasyon lamang ang mga petsa para sa mga pangyayari at kagamitan ng yugtong ito. Ang kasaktuhan ng mga paraang ito ay hindi naabot hanggang noong ika-19 na siglo.
Sakop ng artikulong ito ang kasaysayang prehistoriko mula sa pag-usbong ng mga modernong tao (base sa ugali at pangangatawan) hanggang sa simula ng pagtatalâ ng kasaysayan.